Martin3 Ini-inspect ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasama sina Customs Commissioner Bienvenido Rubio, Assistant Majority Leader and ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo, ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap at ibang Customs officials ang bigas na nakatengga sa Manila International Container Terminal, Port Area Manila, Huwebes ng hapon. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez sa mga importer ng bigas na nakatengga sa Customs: Parang hoarding ito

100 Views

NANAWAGAN si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga importer ng 523 containers ng imported rice na nakatengga sa yarda ng Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BoC) na agad ipakalat ang mga ito sa merkado para makatulong sa pagbaba ng presyo ng bigas.

“Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito,” ani Romualdez nitong Miyerkules.

Pinangunahan ni Romualdez nitong Miyerkules ang on-site inspection sa MICP nitong Miyerkules ng hapon matapos ang ulat na mahigit 800 containers o aabot sa 23 million kilos ng imported na bigas ang nakatengga ng matagal sa nasabing port. Kasama ni Speaker di House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap at mga opisyal ng BOC sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio.

“Magtulungan na lang tayo imbes na mag-isip kayo na tataas yung profit ninyo at the expense ng ating consumers,” giit ng lider ng Kongreso.

Sa record ng BoC nasa 523 containers ng imported rice ang kasalukuyang nakatengga sa MICP na nagkakahalaga ng P750, 000 kada container.

Nagsagawa ng pagbisita si Romualdez sa MICP dahil na rin sa patuloy na reklamo ng ricek shortage sa kaniyang mga market visit nitong mga nagdaang araw.

Sinabi pa ni Romualdez na tila sinasamantala ng ilang mga importer ang reglementary period sa BoC bago nila ilabas ang kanilang mga bigas dito.

Ang naturang inspeksyon sa BoC ay bahagi pa rin ng tuloy-tuloy na kampanya ng House of Representatives para masawata ang rice hoarding at smuggling sa bansa, para masiguro ang murang bigas sa merkado na siyang pangunahing layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos upang masiguro ang maayos na food supply sa bansa.

Nanawagan pa si Romualdez na agad ipalabas ang mga rice containers at masigurong panagutin ang mapapatunayang nagho-hoarding ng mga bigas.

“We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated,” anang lider ng 300-plus strong House of Representatives.

Idinagdag pa ni Speaker na ang ulat ng mga overstaying na rice containers ay dumagdag pa sa alalahanin ng pamahalaan ukol sa manipulasyon ng supply ng bigas sa merkado.

Nanawagan si Romualdez sa mga importer na tigilan na ang pagsasamantalan sa 30-day reglementary period sa BoC bago nila ilabas ang bigas sa merkado dahil maliwanag umano na hoarding na rin ito.

Ayon sa Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act, ang mga shipment ay dapat makuha sa loob ng 30 days at dapat ay maayos na ang mga buwi at iba pang payment duties.

Matatandaan na kamakailan ay pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang serye ng surprise inspection sa mga warehouse ng bigas sa Bulacan matapos ang balita ng hoarding ng bigas.

Siniguro naman ng BoC na agad silang tatalima sa panawagan ni Speaker.

Idinagdag pa ng BoC na ang mga kargamento na mamamatunayang lumampas sa 30-day reglementary period ay idedeklarang abandonado at pwedeng kumpiskahin ng ahensya at pwedeng ipamahagi sa mga sangay ng pamahalaan partikular sa DSWD para ipamahagi sa mahihirap.