Martin3

Speaker Romualdez sa mga kasamahan: Kumilos tayo agad para sa mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill

116 Views

KAAGAD na pinakilos ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kanyang mga kapwa mambabatas upang tulungan ang libu-libong mangingisda sa apat na lalawigan na naapektuhan nang pagtagas ng langis.

“Hindi na natin hihintayin na humingi sila ng tulong sa atin. Tayo na ang lumapit sa kanila para alamin kung ano ang tulong na kailangan nila sa atin at sa gobyerno,” aniya.

“The livelihood of our fisherfolk is at stake. We must act quickly to mitigate the damage and provide the necessary support,” pahayag pa ng lider ng may 300-miyembro ng House of Representatives.

Hinikayat rin niya ang kanyang mga kasamahan mula sa Bataan, Pampanga, Bulacan, at Cavite na makipag-ugnayan sa mga apektadong mangingisda upang tukuyin ang mga tulong na kanilang kinakailangan.

“We will tap all available resources, including the TUPAD and AICS programs, to provide immediate relief and support to our fisherfolk,” pagtiyak pa ni Speaker Romualdez.

Hiniling rin niya sa mga mambabatas sa mga apektadong lugar na i-assess, sa tulong ng mga local government units, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, Philippine Coast Guard at iba pang concerned agencies, ang pinsalang dulot ng oil spill, gayundin ang lawak nito.

Matatandaang napaulat na tumagas ang industrial fuel at diesel mula sa dalawang barko na lumubog sa Bataan at sa Manila Bay area noong nakaraang linggo.

Ang isa sa mga barko, na MT Terranova, ay may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil.

Patuloy namang nagsusumikap ang mga awtoridad na pigilan ang pagtagas ng langis.

Nabatid na ang mga mangingisda na apektado ng oil spill ay kinabibilangan ng mga nagmula sa Bulacan, na nasa 11,000 na may estimated combined monthly income na P83 milyon; 8,000 sa Bataan na kumikita ng P63 milyon sa isang buwan, at libu-libong iba pa mula sa Pampanga at Cavite.

Sa Cavite, binalaan na ng mga local officials ang apat na bayan, “Oil spill alert. Coastal barangays of Ternate, Maragondon, Naic, and parts of Tanza will be affected.”

Sa pagtaya ng Marine Science Institute ng University of the Philippine, ang oil spill ay maaaring tumagas patungong norte, at makaapekto sa Bulacan, gayundin sa coastal areas sa Cavite.

Tinataya naman ng Philippine Space Agency na nasa 93.74 square kilometers ang nasakop ng langis sa Manila Bay.