Martin

Speaker Romualdez sa PCG: Komprehensibong modernization plan isumite

Mar Rodriguez May 16, 2024
104 Views

HINILING ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Philippine Coast Guard (PCG) na magsumite ng isang komprehensibong modernization plan sa Kamara de Representantes na siyang magiging basehan ng pondong ilalaan dito para sa susunod na taon.

Ayon kay Speaker Romualdez, isang Commodore ng PCG Auxiliary, mahalaga na mailatag na ang plano upang matukoy ang mga kinakailangang kagamitan ng PCG na dapat agarang mapondohan para mapalakas ang kakayanan nito sa pagpapatrolya at pagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas lalo na sa West Philippine Sea (WPS).

Dahil sa istratehikong kahalagahan ng WPS at ang nagpapatuloy na agawan sa teritoryo, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang importansya ng kagyat na pagtugon at suporta ng Kongreso sa operational capacity ng PCG.

“Our national security and sovereignty are paramount,” ani Speaker Romualdez. “By ensuring that our Coast Guard is well-equipped and well-funded, we can better protect our territorial integrity against external threats and assert our sovereign rights in these contested waters.”

Ipinasasama ng lider ng Kamara ang detalye ng kasalukuyang kalagayan ng asset ng PCG, ang mga kakailanganing upgrade ng mga sasakyang pandagat at kagamitan nito, ang mga pagsasanay na kailangan ng mga tauhan ng ahensya, at ang mga inisyatiba para sa regional cooperation at maritime law enforcement.

Ang plano umano ang gagamitin para sa kinakailangang aksyong pang lehislatura at pagpopondo para sa mga kinakailangang pagpapalakas.

“The House of Representatives is committed to backing the Philippine Coast Guard in its vital role. It’s not just about responding to immediate threats but also about maintaining a presence that underscores our commitment to national and regional security,” punto pa ni Speaker Romualdez

Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mas malaking plano ng administrasyong Marcos para palakasin ang pambansang depensa at ang rehiyon sa gitna ng mga kinakaharap nitong hamon.