Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

Speaker Romualdez sa PNP: Ipatupad one-strike policy vs ‘ninja cops’

216 Views

SILA ang dapat na nagbibigay ng proteksiyon sa mamamayan. Bakit sila pa ang inerereklamo ng hulidap at sangkot mismo sa krimen?”

Ito ang pahayag ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kasabay ng kanyang paghirit na ipatupad sa buong bansa “one-strike policy” sa PNP o agarang pagsibak sa puwesto ng mga “ninja cops” na sangkot sa krimen lalo na sa “hulidap” pati na ang kanilang commander.

Muling kakausapin ni Speaker Romuladez ang pamunuan ng PNP matapos madismaya sa pagkakasangkot umano sa “hulidap” ng 13 opisyal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) National Capital Region (NCR) sa nagreklamong grupo ng Filipino-Chinese businessmen kamakailan.

“Nananawagan akong paigtingin pa natin ang one-strike policy sa kapulisan at gawin ito sa buong bansa. Kung sangkot sa krimen ang isang pulis na nasa presinto, dapat sibakin din agad ang station commander nito,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Aniya, “command responsibility kung bakit dapat alisin din sa pwesto ang immediate superior ng mga tiwaling pulis”.

“If you are the commander, dapat alam mo ang kilos ng mga tao at all times,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Sinibak sa puwesto ni CIDG director Police Brig. Gen. Romeo Caramat Jr. ang 13 opisyal, kabilang si CIDG-NCR chief Police Col. Hansel Marantan na nagsumite na rin ng kanyang courtesy resignation alinsunod sa command responsibility.

Ayon kay Romualdez, dapat paigtingin ng PNP ang kampanya sa paglilinis sa kanilang hanay upang maibangon ang nawawalang tiwala ng taumbayan sa kanilang mandato na alagaan at protektahan ang taongbayan.

“Dapat talagang magkaroon ng malawakang paglilinis sa hanay ng kapulisan upang maalis ang mga bugok na nasa serbisyo. Kawawa naman ang mga matitinong pulis na nagpapakamatay sa pagganap sa kanilang tungkulin,” ani Romualdez.

“Panahon na upang pag-ibayuhin pa ng PNP ang pagbangon sa kanilang dangal sa pamamagitan nang pagtiyak na mabubuti at may malasakit na mga pulis lamang ang matitira sa serbisyo,” pahayag ni Romualdez.

Nabatid kay PNP deputy chief for administration Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia na dumulog sa kanyang tanggapan ang isamg grupo ng Chinese nationals upang kuwestiyunin ang operasyong isinagawa ng CIDG-NCR noong Marso 13.

Ayon sa Chinese nationals, isang grupo ng operatiba ng CIDG ang lumusob sa isa sa mga bahay habang naglalaro ang mga ito ng mahjong bilang tugon umano sa reklamo ng mga naingayang kapitbahay.

Sinabi ng mga complainant na kinuha ng mga pulis ang dalawang mamahaling mga relo — Patek Philippe at Richard Mille—at ibang mamahaling alahas, Louis Vuitton bag, at vault na mayroong P3 milyong cash.

Dinakip ang 13 Chinese nationals at dinala sa CIDG-NCR headquarters sa Camp Crame at nagbigay umano ang mga ito ng salapi kapalit ng kanilang kalayaan.

Nabatid kay Sermonia na nangikil umano ang mga operatiba ng CIDG-NCR ng P10 milyon sa grupo ng biktima.