Martin2

Speaker Romualdez tiniyak P200M ayuda sa mga mangingisdang apektado ng Mindoro oil spill

179 Views

TINIYAK ni Speaker Martin Romualdez na hahanapan ng pondo ang P200 milyong tulong pinansyal para sa may 8,000 mangingisda sa Oriental Mindoro na lubhang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa oil spill.

Nakipagpulong si Romualdez sa lider ng grupo ng mga mangingisda na inilapit ni House Assistant Minority Leader Arlene Brosas upang matulungan.

Kasama ni Speaker Romualdez sa pulong sina Majority Leader Mannix Dalipe, Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos, at Deputy Majority Leader Erwin Tulfo.

Sinamahan naman ng kanilang abogado ang mga mangingisda na siya ring tumutulong sa mga residente na makakuha ng bayad-danyos mula may-ari ng lumubog MT Princess Empress.

May kargang 800,000 lirong industrial fuel ang M/T Princess Empress, nang lumubog sa katubigang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.

Batay sa datos, nasa 193,436 indibidwal mula CALABARZON, MIMAROPA at Western Visayas ang naapektuhan ng malawakang oil spill.

Inirekomenda na ng National Bureau of Investigation ang pagsasampa ng kaso laban sa may-ari at crew ng Princess Empress pati na rin sa ilang tauhan at opisyal ng Maritime Industry Authority (MARINA) at Philippine Coast Guard (PCG).

Batay sa imbestigasyon ng NBI, ang RDC Reield Marine Services, na siyang may-ari ng tanker ay nakapaglayag pa rin kahit peke ang mga dokumento nito at hindi nakapasa sa itinakdang requirement.

Sabi ni Speaker Romualdez sa mga mangingisda na desidido itong makakuha ng pondo mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang mabigyan ng tig-P24,000 tulong ang lahat ng 8,000 mangingisda.

Ang pondo ng TUPAD ay nakapaloob sa taunang General Appropriations Act (GAA) na ginagamit upang mabigyan ng livelihood support ang mga disadvantaged at displaced na manggagawang Pilipino.

“Panimulang tulong lang ito na sapat sa dalawang buwan. Sa loob ng panahong ito, hahanap tayo ng paraan para makakuha naman ng pondo para sa mga alternative livelihood programs ninyo habang nililinis pa ang oil spill,” sabi ni Romualdez

“Kung kukulangin pa ito, tutulong din ang iba pang kasama ko dito sa House of Representatives para magtuloy-tuloy ang ayuda sa inyo habang hindi pa kayo nakakabangon. Gagawin natin ang lahat para makabangon kayo sa trahedyang ito,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Ibinahagi rin ni Speaker Romualdez ang kanilang karanasan habang bumabangon mula sa pananalasa ng super-typhoon Yolanda at sinabi na, “In moments like these, Filipinos are always ready to lend a helping hand to their kababayans.”

Bumuhos aniya ang donasyon noon sa Tacloban mula sa pribadong sektor kung saan kasama ang bangkang pangisda at livelihood packages sa kanilang ipinamigay.

“Kung kailangan ninyo ng bangka, tutulong din ako na humanap ng mga donors para sa inyo. Sila ang mga tumulong sa amin noon sa Yolanda at naging susi kaya nakabangon agad kami,” saad pa ng House Speaker.