Calendar
Speaker Romualdez: US-Biden meeting malalking benepisyo sa PH
NASA Estados Unidos (US) ngayon si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para samahan si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gagawin nitong pakikipag-pulong kay US President Joe Biden na inaasahang magbibigay ng malaking benepisyo para sa Pilipinas.
Ipinahayag ni Speaker Romualdez na optimistiko siya na magbibigay ng napaka-laking pakinabang para sa Pilipinas ang pagbisita ni Pangulong Marcos, Jr. sa America sapagkat inaasahan na magkakaroon ng magandang resulta ang pag-uusap ng dalawang “head of state”.
Ang isa sa mga nakikita ni Speaker Romualdez na magandang resulta na ibubunga ng meeting sa pagitan ni Pangulong Marcos, Jr. at President Joe Biden ay ang “terms of security” partikular na sa aspeto ng ekonomiya ng Pilipinas na magbibigay ng napakaraming investment opportunities.
Si Speaker Romualdez ang mismong naglatag ng tinatawag na “groundwork” para sa makasaysayan at makabuluhang pagbisita ni President Marcos, Jr. kay US President Biden. Kung saan, ang isa rin sa kanilang pag-uusapan ay ang pagpapalakas at pagpapatibay sa defence and security cooperation at economic partnership sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos (US).
Sinisikap din ng Pangulong Marcos, Jr. na tuparin ang kaniyang ipinangako na makapagbigay ng mura at maaasahang kuryente para sa Pilipinas. Sapagkat ipinahayag ng House Speaker na interesado ang Oregon-based NuScale Power Corporation na mag-invest sa Pilipinas.
Dahil sa mga kaganapang ito, masasabi natin na si Speaker Martin G. Romualdez ang talagang susi sa tagumpay ng US trip ng ating Pangulo. Dahil kung hindi dahil sa kaniya ay hindi magiging matagumpay o successful ang pagbisita ni PBBM sa America. Bagama’t hindi pa naman tapos. Pero ngayon pa lamang ay maaari na natin sabihin na isa itong tagumpay para sa Pilipinas.
SI FPGMA ANG SUSI NG TAGUMPAY NGAYON NG CLARK DEVELOPMENT CORP.
NAGING panauhing pangdangal at guest speaker kamakailan si Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa Clark Development Cooperation (CDC) na nagsagawa ng Clark Awards and Gratitude Dinner para sa selebrasyon ng ika-30 anniversary ng CDC.
Si Pampanga 2nd Dist. Congresswoman Macapagal Arroyo ang naging pangunahing susi sa tagumpay na tinatamasa ngayon ng CDC na magsisilbing implementing arm ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) matapos itong abandonahin ng United States (US) military noong 1993.
Sa kaniyang maikling mensahe, ginunita ni Macapagal Arroyo ang malaking sakripisyo na ginawa ng kaniyang administrasyon noong siya pa ang Pangulo para maisulong o mai-promote ang CDC bilang “freeport zone” at gamitin ito bilang meetings site o lugar na maaaring pagdausan ng iba’t-ibang event.
Binanggit din ng dating Pangulo na noong 2003 ay inatasan niya si dating Transportation Secretary Mendoza na pumasok sa isang kasunduan sa Manila International Airport para magpalapag ang MIA ng mga eroplano sa Clark. Kung saan, ito ang dahilan para makalikom ng malaking pondo ang Clark.
Ano pa man ang maging pagbatikos ng ilang sektor at indibiduwal sa admimistrasyon ni dating Pangulong Macapagal Arroyo. Hindi pa rin mabubura sa ating kasaysayan ang magagandang nagawa nito para sa bansa.
Sa tuwing magagawi tayo sa dating Clark Airbase. Dito natin maaalala ang magandang ginawa at accomplishment ng dating Pangulo. Madali kasi ang pumuna at bumatikos, pero bago naman natin gawin iyon ay tignan naman natin ang kaniyang mga nagawa. Isa na dito ang napaka-gandang CDC.
PAGPAPALAKAS NG PHILIPPINE SPORTS NAPAPANAHON NA
NAPAPANAHON na para palakasin ang ating Philippine Sports sapagkat masyado na tayong napag-iiwanan ng ibang bansa na todo-todo ang kanilang suporta sa kanilang sports. Ito ang hinahangad ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D. na nagsulong ng panukala para dito.
Pangarap ni Congressman Romero maging maganda at mahusay ang pamamalakad sa ating Philippine sports kaya iminungkahi nito sa kaniyang House Bill No. 335 ang pagtatatag ng Department of Sports upang mas lalo pang mapagbuti ang kalagayan ng sektor ng sports kabilang na ang mga Pilipinong atleta.
Ayon kay Romero, nabigo ang PSC na mabibigay nito ang nararapat na pamamahala para sa Philippine sports kabilang na dito ang pagbalangkas ng mga polisiya at pagtatakda ng mga priorities nito para naman sa mga national amateur sports at ang development nito.
Dahil dito, sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. napapanahon na ayon pa kay Romero para matugunan ang mahigpit na pangangailangan ng Philippine sports kasama ang mga atleta at coaches.
Ikinalungkot din ni Romero na maaaring lumipas na ang tinatawag na “golden years” ng Philippines sports. Ito aniya ang mga panahong itinuturing ang mga Filipino athletes bilang mga mabibigat at mahigpit na contender sa iba’t-ibang sports events. Kabilang na ang pagkakapanalo ni Mansueto “Onyok” Velasco ng silver medal sa boxing noong 1996 Atlanta Olympics.