Martin

Speaker Romualdez: World class na serbisyong pangkalusugan hangad ni PBBM sa bawat lalawigan

129 Views

BINIGYANG-DIIN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagnanais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na mabigyang ang mga Pilipino ng world class na serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Legacy Hospital na itatayo sa bawat lalawigan.

Ito ang inihayag ni Speaker Romualdez sa pagpapasinaya ng 20 palapag na Bicol Regional Hospital and Medical Center Legacy Building sa Legazpi City noong Biyernes.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga kongresista ng Bicol na sina House Committee Appropriations Zaldy Co at House Committee on Ways and Means chairman Joey Salceda at iba pang opisyal mula Bicol.

“Bilang lider ng House of Representatives, tungkulin ko na isakatuparan ang kautusan ng Pangulong Marcos Jr. na magtayo ng mga proyekto na kailangan ng ating mga kababayan,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Para sa regional specialty hospitals, pangarap ng ating Pangulo na maramdaman din ng mga taga-probinsya ang pag-aalaga sa mga pasyente mula sa mga world-class na ospital tulad nang naitayo ng kanyang ama sa Metro Manila,” saad pa ng lider ng Kamara.

Kabilang sa mga ospital na ito ang Philippine Heart Center, Lung Center at Kidney Center, na lahat ay matatagpuan sa Quezon City.

“Kung ano ang nasimulan ng kanyang ama, nais itong dalhin ng ating Pangulo sa malalayong lugar para mas maraming Pilipino ang makinabang,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Ibinahagi pa ng lider ng Kamara na maliban sa kasalukuyan mga specialty hospitals ay sinimulan na ring ipatayo ng administrasyong Marcos ang Philippine Cancer Center na matatagpuan din sa Quezon City.

“Hindi lamang natin bibigyan ng ospital ang mga may sakit ng kanser. Bibigyan din natin sila ng mga world-class na doctor at nurse na sasanayin natin at bibigyan ng kailangang suporta. Ang mga doktor na nasanay sa Philippine Cancer Center ang ipapadala natin sa mga regional specialty hospitals para manggamot din sa mga probinsya,” paglalahad niya.

Tinukoy ni Speaker Romualdez na ang pagpapasinaya sa Bicol Regional Hospital Legacy Building ay panimula ng pagtatatag ng specialty center sa Albay.

“Umaasa ako na hindi lamang mga taga-Legazpi o taga-Albay ang makikinabang sa world-class service dito kundi maging lahat ng pasyente sa buong Bicol region,” wika niya.

Pagbabahagi pa niya sa mga Bicolano na ang kanilang Legacy Building ay napondohan dahil sa pagsisikap ni Rep. Co ng Ako Bicol Party-list.

“Malinaw po ang utos sa amin ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino,” sabi ni Speaker Romualdez.

“Kaya naman nang ilapit sa akin ng inyong mga congressmen dito sa Bicol ang pangangailangan na magtayo ng regional specialty hospital dito sa inyong probinsya, agad kaming nag-trabaho sa Kongreso para maghanap ng pondo para rito,” wika pa niya.

Maliban sa Legacy Hospitals bahagi ng legacy programs ni Pangulpng Marcos ang Legacy Housing Projects at Legacy Food Security.

“Hindi lamang tirahan ng pamilyang Pilipino ang itinatayo natin. May basketball court, swimming pool, clubhouse at iba pang amenities na dati’y makikita lang sa mga subdivision at condominium ng may-kaya,” dagdag ng House Speaker.

“Isa ito sa mga pangarap ng ating Pangulo: Ang mabigyan ng disenteng tirahan ang mga Pilipino. Ang mabigyan sila ng karapatang mamuhay nang may dignidad. Ang manirahan kayong lahat sa isang komunidad na payapa at ligtas,” giit niya.

Sinabi pa ng lider ng Kamara na target ng administrasyon na makapagpatayo ng 1 milyong kabahayan para sa mga mahihirap kada taon hanggang sa 2028 upang punan ang 6.5 milyong kakulangan sa pabahay.

“Para sa seguridad sa pagkain, meron din tayong tinatawag na Legacy Food Security program upang tulungan ang mga mga magsasaka na mapalaki ang kanilang ani. Itutuloy din natin ang mga programa para bigyan ng ayuda ang mga nangangailangan,” sabi niya.

“Hindi po titigil ang Kongreso sa paglalaan ng pondo at paggawa ng mga batas. Gagawin natin ito para matupad ang pangarap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. – ang mabigyan ng masaganang bukas ang bawat pamilyang Pilipino sa isang ligtas at payapang bansa,” tinuran pa ni Speaker Romualdez.