Meralco Source: Meralco FB page

Stable power supply ipinatitiyak sa DOE, ERC sa eleksyon

25 Views

HINIMOK ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking hindi magkakaroon power interruption sa eleksyon sa Mayo 12.

“Aside from causing inconvenience to our voters, any power interruption could potentially compromise the credibility of our elections,” sabi ni Gatchalian, vice chairperson ng Senate Committee on Energy.

Binigyang-diin niya na dapat makipag-ugnayan ang DOE at ERC sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mga power plant operator, distribution utilities at electric cooperatives upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa buong bansa.

Kaya’t dapat tutukan ng DOE at ERC ang pagpigil sa maaaring kakulangan ng kuryente sa mismong araw ng halalan, giit ni Gatchalian.

Dagdag pa niya, dapat walang unscheduled maintenance na magaganap at handa ang mga ancillary services upang agad tumugon sakaling tumaas ang demand sa kuryente.

“Hindi dapat magkaroon ng biglaang maintenance ang mga planta ng wala sa schedule at kailangang nakaantabay ang ancillary services upang agad masagot ang anumang biglaang pagtaas ng demand sa kuryente,” paliwanag niya.

Ayon sa DOE, aktibo ang Energy Task Force Election (ETFE) sa pagmomonitor at pagsasagawa ng inspeksyon sa mga power facility, gayundin ang pagtiyak sa koneksyon ng kuryente sa mga polling stations upang maiwasan ang brownout.

Isinasagawa rin ang power simulations at tinatayang sapat ang reserves para sa nasabing araw.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang coordinated na paghahanda mula sa pampubliko at pribadong sektor—gaya ng grid monitoring, pagdagdag ng suplay, at contingency planning—susi upang hindi maapektuhan ang integridad ng halalan.