Sub-lider ng Dawlah Islamiya,3 pang lalaki tsugi sa engkuwentro sa Maguindanao

24 Views

Apat na lalaki, kabilang ang isang hinihinalang sub-leader ng Dawlah Islamiya Hassan Group, ang nasawi sa isang manhunt operation ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay Tapayan, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte noong Oktubre 16.

Ayon sa PNP, ang target ng operasyon ay kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons sa Maguindanao del Sur, kung saan nakapuwesto siya sa ikaapat na ranggo sa antas-probinsya. Iniuugnay rin siya sa mga pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, gayundin sa mga kaso ng pagpatay, panununog at iba pang karahasan sa Maguindanao del Sur. Itinuturing din siyang sub-leader ng Dawlah Islamiya Hassan Group sa ilalim ng Alpha King Group.

Isinagawa ang operasyon batay sa mga warrant of arrest na inilabas ng mga korte sa Cotabato City, Shariff Aguak sa Maguindanao del Sur, at Iligan City sa Lanao del Norte noong 2021 at 2023.

Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng target ang destructive arson, direct assault, multiple frustrated murder, double murder, qualified direct assault with multiple attempted murder, at paglabag sa Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.

Ayon sa ulat, nagpaputok umano ang target at ang tatlo niyang kasamang lalaki nang papalapit na ang mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis bilang pagtatanggol sa sarili.

Nasawi ang apat sa naganap na palitan ng putok.

Sa clearing operation, nakarekober ang mga awtoridad ng isang assault rifle, tatlong kalibre .45 na pistola at isang improvised explosive device (IED). Pinagsanib-puwersa sa operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group, Regional Intelligence Unit 15, PNP Special Action Force, Armed Forces of the Philippines at mga lokal na yunit ng pulisya.

Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magpapatuloy ang pagtugis ng pulisya sa mga indibidwal na nahaharap sa mabibigat na kaso at itinuturing na banta sa seguridad ng publiko. Aniya, isasagawa ang mga operasyon alinsunod sa batas upang maiwasan ang karagdagang karahasan.