Yellow Larawan: NGCP/FB

Visayas grid, sasailalim sa yellow alert ngayong Oct. 18

31 Views

NAKATAKDANG mapasailalim sa yellow alert ang Visayas power grid mula alas-5 hanggang alas-8 ng gabi ngayong Linggo, Oktubre 18, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Batay sa abiso ng NGCP alas-8 ng umaga, nasa 2,515 megawatts (MW) ang available capacity ng grid, habang inaasahang aabot sa 2,354 MW ang peak demand.

Kabilang sa mga dahilan ng yellow alert ang hindi pagtakbo ng malalaking coal plant na PEDC 3 at KSPC 1 sa Visayas, gayundin ang nakatakdang maintenance ng Mindanao-Visayas Interconnection Line 2.

Ayon sa NGCP, may limang planta na sapilitang hindi umaandar mula Oktubre, lima mula Setyembre, tatlo mula Agosto, isa mula Hunyo, apat mula Mayo, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023 at isa mula 2021. May 17 planta rin na tumatakbo sa mas mababang kapasidad, dahilan upang umabot sa 655.5 MW ang kabuuang kapasidad na hindi magamit sa grid.

Ipinatutupad ang yellow alert kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang kinakailangang reserba ng transmission grid sakaling magkaroon ng aberya. Hindi ito awtomatikong nangangahulugan ng rotational brownout, ngunit maaari itong magpahiwatig ng mas limitadong suplay ng kuryente.