Sunog

Sunog pumatay ng 2 sa Taguig, Malabon; 4 pa sugatan

Edd Reyes May 29, 2025
22 Views

DALAWA ang nasunog, kasama ang 78-anyos na lolo, ng buhay at apat ang nasugatan sa magkahiwalay na sunog noong Miyerkules sa Taguig at Malabon.

Na-trap sa ikalawang palapag ng nasunog na bahay sa Kamagong St., Brgy. North Signal, Taguig City ang 15-anyos na dalagitang estudyante dakong alas-7:33 ng umaga.

Ayon sa mga kaanak ng biktima, nakatakbo pa palabas ng bahay ang bayaw ng biktima at isa pang kasama kahit may lapnos na sa katawan.

Narinig pa ng mga kaanak ang paghingi ng saklolo ng dalagita subalit hindi na makapasok sa loob ng bahay ang mga kaanak dahil nilamon na ng apoy ang bahay.

Sinagot ng tanggapan ni Mayor Lani Cayetano ang lahat ng gastusin sa pagpapagamot sa mga sugatan at pagpapalibing sa nasawi.

Pasado alas-12:00 ng tanghali ng lamunin ng apoy ang bahay sa Brgy. Muzon, Malabon City at hindi nakalabas matapos bumalik sa nasusunog na bahay ang 78-anyos na lolo kasama ang dalawa pang kaanak.

Nakalabas ng bahay ang dalawang kasama sa bahay ng lolo, ayon sa report.

Naghihinagpis ang mga kaanak at apo ng nasawi dahil sunog na sunog ang katawan ng kanilang lolo nang matagpuan ng mga tauhan ng Malabon Bureau of Fire Protection makaraang maapula ang apoy dakong ala-1:22 ng hapon.