Rep. Suntay

Suntay walang nakikitang masama sa pamamahagi ng tulong ng Kamara para sa mga mahihirap

Mar Rodriguez Jun 17, 2025
20 Views

Rep. Suntay Rep. SuntaySINASANG-AYUNAN ni incoming Quezon City 4th District Representative Bong Suntay ang paninindigan ng liderato ng Kamara de Representantes na mas mainam na ang pamamahagi ng ayuda para sa mga mahihirap kaysa sa limasin ang pera ng bayan.

Para kay Suntay, wala umano siyang nakikitang masama kung sakaling namamahagi ang Mababang Kapulungan sa pangunguna ni House Speaker Martin G. Romualdez ng tulong para sa mga mahihirap na mamamayan.

Kinatigan din ng kongresista ang ibinigay na pahayag ni Atty. Princess T. Abante, ang spokesperson ng Kamara de Representantes, na walang dapat ikahiya sa pamamahagi ng tulong sapagkat napakaraming Pilipino ang siyang nakikinabang dito.

Ipinaliwanag ni Suntay na ang pamamahagi ng ayuda ng Kongreso sa pangunguna ni Speaker Romualdez ay nagpapakita lamang na ang Mababang Kapulungan ay tunay na umaaksiyon sa pangangailan ng taongbayan lalo na ang mga kapos-palad.

Pagbibigay diin pa nito na ipinapakita lang ng Kamara na ang mga mambabatas ay hindi lamang puro salita bagkos ay puro gawa tulad niya na mabilis na inaaksiyunan ang pangunahing pangangailangan ng kaniyang mga ka-distrito.

Ang ibinigay na reaksiyon ni Suntay ay kaunay sa paninindigan ng Kamara de Representantes sa likod ng muling pag-atake kay Speaker Martin G. Romualdez patungkol sa kaniyang pagsusulong ng mga programa para makatulong sa mga Pilipinong nangangailangan.

Samantala, tiniyak ng mambabatas na tatapusin nito ang mga nabitin na proyekto sa 4th District kabilang na ang gymnasium sa Carlos Albert kung saan ito ay gagawin nitong prioridad sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo habang makakatuwang naman nito QC District Engineer.

“Makakaasa po kayo na tatapusin natin ang mga proyektong ito. Patuloy akong mag-iikot upang matukoy ang pangangailangan ng bawat Barangay, ito ay gagawin nating prioridad,” wika ni Suntay.