PBBM At Executive Rodriguez Si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kasama si Executive Secretary Vic Rodriguez

Suporta kay PBBM, Rodriguez bumuhos!

Paul M Gutierrez Jul 24, 2022
275 Views

PATULOY ang pagbuhos ng suporta kay Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Executive Secretary Vic Rodriguez laban sa mga tsismis at intriga na naglalayong sirain ang kanilang pagkakaibigan at tiwala at ang positibong pananaw ng mga Pilipino sa administrasyong Marcos.

Sa mga bukod na pahayag sa midya, sinabi ng ‘Quezon City Trial Lawyers League, Inc.’ (QCTLLI), ‘Filipino League of Advocates for Good Governance-Maharlika’ (FLAG-Maharlika) at kahit ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa (DND) ang kanilang buong suporta sa administrasyong Marcos at sa panawagan sa pambansang pagkakaisa ng Pangulo at ang kanilang suporta kay Rodriguez, na nabiktima ng tsismis na napilitan umano itong magbitiw noong nakaraang linggo.

“On the eve of the State of the Nation Address (SONA) of President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr., the Quezon City Trial Lawyers League, Inc., an organization of more than 500 law practitioners has called upon its members to rally, support and to stand united behind the present administration of President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr. and his entire Cabinet led by Executive Secretary Atty. Victor D. Rodriguez,” anang pahayag ng QCTLLI nitong araw ng Linggo.

Binanggit pa ng samahan na bilang aktibong miyembro at dating opisyal ng QCTLLI, isa si Rodriguez sa mga nagtaguyod at nagsulong sa kanilang mga plataporma at mga adbokasiya na nakabatay sa integridad, kakayahan, katarungan at parehas na pagbibigay ng serbisyo publiko.

Para naman kay Aio Bautista, lead convenor ng FLAG-Maharlika, binansagan nitong ‘disinformation’ at ‘fake news’ ang tsismis laban kay Rodriguez at PBBM na mabilis na kumalat sa social at mainstream media.

Ayon pa sa grupo, itinuturing nilang kasama nila bilang isang ‘Marcos Loyalist’ si Rodriguez na ang katapatan kay Pang. Marcos Jr. ay hindi puwedeng pagdudahan.

“We should unite behind one of our own and protect our government from the well-funded machinery of fake news by non-loyalists and fanatics of disunity who only want to possess power,” ayon pa kay Bautista.

Napatunayan namang ‘Marites’ (tsismis) ang intriga laban kay Rodriguez nang magpunta sa tanggapan ng Office of the Executive Secretary ang mga kasapi ng Malacañang Press Corps (MPC) noong Biyernes at makita itong subsob ang ulo sa trabaho.

Sa maikling pahayag, nagpaalala naman ang DND sa publiko na ang bawat pagtatangka na hatiin ang pagkakaisa ng mga Pilipino gamit ang mga malisyosong pagbibintang ay hindi sang-ayon sa kanilang kolektibong pagnanais para sa isang tahimik at progresibong bansa.

Ayon pa sa pahayag, buo ang suporta ng departamento kay PBBM at sa kanyang layunin para sa isang malakas at progresibong bansa sa pamamagitan ng pambansang pagkakaisa at pagbabangon sa ekonomiya.

Ipinaalala rin ng DND na ano mang tsismis katulad ng ginawa kay Rodriguez ay pag-atake sa dangal at liderato ni PBBM.