Martin1

Suporta ng Kamara sa pagpapalakas ng AFP tiniyak ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Dec 21, 2023
114 Views

MULING iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Huwebes ang suporta ng Kamara de Representantes na pondohan ang mga inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mapalakas ang kakayanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), lalo na sa pagbibigay nito ng proteksyon sa interes ng bansa sa West Philippine Sea (WPS).

Isa si Romualdez sa mga opisyal na dumalo sa selebrasyon ng ika-88 anibersaryo ng AFP kasama si Pangulong Marcos na ginanap sa headquarters nito sa Camp Emilio Aguinaldo, Quezon City.

“Our men and women in uniform are the steadfast guardians of our nation’s security. We owe them our deepest gratitude and firm support,” ani Romualdez, lider ng Kamara na may mahigit 300 mambabatas.

“The House aligns with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s vision of a modern and well-equipped AFP, capable of effectively asserting our territorial sovereignty and maritime rights,” dagdag niya.

Tinukoy ni Speaker Romualdez ang P5.768 trilyong pambansang pondo para sa susunod na taon bilang pagtupad sa pangako ng mababang kapulungan na suportahan ang AFP. Aniya, P285.69 bilyon ang nakalaan sa Defense sector sa 2024 mas mataas kumpara sa P203.4 bilyon na pondo ngayong taon.

Inilipat din umano ng Kamara ang P1.23 bilyong confidential fund mula sa mga civilian agency patungo sa mga ahensya na siyang responsable sa pambansang seguridad at pagbibigay ng proteksyon sa territorial rights ng bansa sa WPS.

Muli ring iginiit ng lider ng Kamara ang pangangailangan na malagyan ng pondo ang pagbibigay ng seguridad saWPS, mula Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc sa Zambales at Pangasinan hanggang sa Ayungin Shoal sa Palawan.

“We are resolute in our goal to ensure a future where our fishermen can fish in peace, and our natural resources are managed sustainably for the Filipino people,” pahayag nito.

Nakapaloob din sa 2024 budget ang P1.5 bilyon para sa pagpapalawak at pagsasaayos ng paliparan sa Pagasa Island.

May nakalaan ding P800 milyon para sa pagpapatayo ng shelter port para sa mga mangingisda at bangka sa Lawak, Palawan, ang pinakamalapit na isla sa Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre na ginawang kampo ng mga sundalo upang mapanatili ang presensya ng AFP sa lugar.

Ang mga pondo aniyang ito ang susuporta sa modernisasyon ng AFP kasabay ng pagbili ng mga makabagong military equipment, patrol boat, aircraft at communication system para mapalakas ang pagpapatrolya sa karagatan at borders.

Sinabi rin ni Romualdez na makakaasa ang AFP na isusulong ng Kapulungan ang mga insiyatiba para mapagbuti ang kanilang kalagayan at kompensasyon ng mga tauhan ng AFP bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at pagpapanatili ng kanilang mataas na morale.

Setyembre ngayong taon ng pagtibayin ng Kamara ang House Bill No. 8969 o ang “Military and Uniformed Personnel Pension System Act,” na akda ni Speaker Romualdez. Tinitiyak nito ang tatlong porsyentong taas sahod kada taon ng mga MUP sa loob ng unang sampung taon mula sa pagsasabatas ng panukala.

Ani Romualdez, layunin ng panukala na magkaroon ng balanse sa pagbibigay ng buwang pensyon at iba pang benepisyo sa mga unipormadong hanay at pagtiyak ng mapopondohan ito.

“Together, the House and the Marcos administration are committed to empowering the AFP, protecting our territorial integrity, and fostering a brighter future for all Filipinos,” pagtatapos ni Romualdez.