BBM-Lopez Si Manila mayoral candidate Alex Lopez at presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Suporta ng Manileño sa BBM-Sara tandem bumuhos

Paul M. Gutierrez Apr 25, 2022
296 Views

LIBU-LIBONG suporter ang dumagsa sa campaign rally ng UniTeam tandem na sina presidential frontrunner Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa Maynilana balwarte ni Mayor Isko Moreno.

At kung si Manila mayoral candidate Alex Lopez ang tatanungin panalo na sina Marcos at Duterte sa Maynila.

“Tayo po rito ay nagkaisa para sa isang layunin ang iahon ang bawat Pilipino sa kahirapan at bumangon muli para ipakita natin sa buong mundo ang pagmamahal natin sa ating bansa,” sabi ni Lopez na siyang nag-organisa ng campaign rally sa Bustillos, Sampaloc.

Kumpiyansa si Lopez, kapatid ni Manila Rep. Manny Lopez sa kakayanan nina Marcos at Duterte na matulungang maka-ahon ang mga mahihirap.

“Iisa ang layunin namin ni BBM at ni Sara sa UniTeam, una ang lahat ay mapaigting at masugpo ang kahirapan. Salamat, salamat, si BBM ang panalo na! BBM! Inday Sara!” wika pa ni Lopez.

Ginamit naman ni Duterte ang pagkakataon upang magpasalamat sa mga sumusuporta sa kanya at sa kanyang ama.

“Ang aming pamilya ay mayroong malaking utang na loob sa inyong lahat, sa pagmamahal at suporta na ibinibigay ninyo sa amin. Si Pangulong Duterte po gusto niyang malaman ninyong lahat na nasa puso niya ang pagpapasalamat sa inyong lahat dito sa siyudad ng Maynila,” sabi ni Duterte.

Sinabi ni Duterte na gagawin nito ng mahusay ang kanyang trabaho kapag naluklok na bise presidente ng bansa.

Wala namang mapagsidlan ng tuwa si Marcos sa nakitang suporta ng mga taga-Maynila sa kanya.

Humingi rin ng tulong si Marcos sa kanyang mga suporter upang labanan ang pandaraya sa paparating na halalan.

“Hindi talaga tayo papayag na ‘yung ginagawang kalokohan dahil sa eleksyon, ngunit…ay kinakampihan po tayo ng ating Pangulo. Wina-warningan niya po lahat ng mga may nag-iisip na gumawa ng kalokohan sa susunod na halalan. Siya raw ang bahala sa inyong lahat kaya mag-isip isip kayo bago niyo gagawin ‘yan,” sabi pa ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na hindi rin matatapos ang laban sa araw ng halalan kundi dapat na ipagpatuloy ang pagsama-sama at pagkakaisa hanggang sa muling makabangon ang bansa.