Sara Makikitang dinadalaw ni Lakas-CMD vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte (right) ang kanyang supporter na si Dhely Borja, 70, na may breast cancer. Kasama nila ang mister ni Dhely na si Gil Borja. Kuha ni VER NOVENO

Suporter na cancer patient dinalaw ni Mayor Inday

430 Views

DINALAW ni vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte ang kanyang suporter sa Bulacan na nakikipaglaban sa breast cancer.

Nakahanap ng panahon si Duterte upang puntahan ang 70-anyos na si Adelina Borja sa Bulacan Meadows, Sta. Maria, Bulacan noong Huwebes ng hapon.

Nais umano ni Borja na pumunta sa launching ng kampanya ni Duterte at ng running mate nitong si Partido Federal ng Pilipinas presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. subalit hindi nito nagawa dahil sa kanyang karamdaman.

Upang matupad ang nais ng ina na makita ang alkalde, nag-private message ang anak ni Borja na si Pia sa isa sa mga staff ng vice presidential bet.

“Noong nakita namin na medyo may time tayo today na pumunta dito, isiningit natin yung schedule and of course personal na pasalamatan si Ma’am Dhel. Si ma’am Dhel hindi niya ako kilala pero sumusuporta siya sa journey ko sa aking kandidatura kaya nagpapasalamat ako sa kanya,” sabi ni Duterte.

Ayon kay Borja nakaramdam ito ng pagginhawa ng makita si Duterte dahil sa naramdamang tuwa.

“Nawala yung kirot sa saya, tuwang tuwa po ako,” wika ni Borja.

Ibinahagi naman ni Duterte ang karanasan ng kanyang ina na si Elizabeth na isa ring cancer survivor.

Pinayuhan ni Duterte si Borja na ihanda ang kanyang sarili para sa chemo therapy. Importante rin umano ang pagkakaroon ng mental preparation.