Calendar
Suspek na napatay sa engkwentro sa Bulacan, pulis pala
MARILAO, Bulacan – Patay ang suspek na isang police captain na sangkot sa panghoholdap ng isang convenience store sa Marilao, Bulacan, matapos makipagbarilan sa mga pulis gabi ng Nobyembre 10.
Nauwi sa madugong engkuwentro ang insidente ng panghoholdap, kung saan ang nasawing suspek sa kalaunan ay nakilalang isang pulis.
Ayon kay Police Regional Office (PRO) 3 Brig. Gen. Ponce Rogelio “Pojie” Peñones Jr., nakatanggap ng tawag ang Marilao Police bandang alas-8:30 ng gabi kaugnay ng nagaganap na holdapan sa isang convenience store sa Barangay Sta. Rosa I, Marilao.
Agad rumesponde ang mga pulis ng istasyon upang beripikahin ang ulat.
Batay sa imbestigasyon na natanggap ni Peñones, pumasok ang suspek na police captain na nakasuot ng pulang jacket sa tindahan na kunwari’y bibili, ngunit kalauna’y bumunot ng baril, nagdeklara ng holdap, at tinangay ang tinatayang P20,000 na kita ng tindahan bago tumakas sakay ng motorsiklo patungong Brgy. Loma de Gato.
Ngunit mabilis na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya upang maaresto ang suspek at kalaunan ay nasabat nila ito.
Nang tangkain siyang pahintuin ng mga operatiba, sinabi ni Peñones na sa halip na sumuko, pinaputukan ng suspek ang mga operatiba kaya napilitan ang mga ito na gumanti ng putok. Tinamaan ang suspek sa palitan ng putok at agad isinugod sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklara rin itong dead on arrival ng doktor.
Sinabi ni Peñones na sa follow-up investigation, nakumpirma na ang nasawing suspek ay miyembro ng law enforcement community at may ranggong kapitan.
Dahil dito, iniutos ng PRO3 ang mas malalim na imbestigasyon upang alamin kung may kinalaman ito sa mas malaking grupo na sangkot sa serye ng mga pagnanakaw sa mga convenience store sa Central Luzon.
Nagpahayag naman ng kalungkutan si Peñones sa pangyayari at sinabing mananatiling matatag ang pamunuan sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng disiplina sa hanay ng kapulisan.
“Ang insidenteng ito ay paalala na walang sinuman ang higit sa batas. Sa ilalim ng pamumuno ni Acting Chief, PNP, PLt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., patuloy tayong magsusulong ng tapat, disiplinado, at propesyonal na serbisyo sa publiko. Ang PRO3 ay mananatiling nakatuon sa integridad, transparency, at internal cleansing upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan,” ani Peñones.
Patuloy ang imbestigasyon ng PRO3 upang matukoy ang posibleng koneksyon ng nasawing suspek sa iba pang insidente ng panghoholdap sa rehiyon. Nina CHRISTIAN D. SUPNAD & BERNARD GALANG

