Holdap Source: Clarence Magbanua Dela Pena FB post

Suspek nag-sign of the cross muna bago nangholdap ng Indian nat’l

100 Views

VIRAL ngayon sa social media ang CCTV footage kung saan makikita ang ginawang pangho-holdap ng isang lalaki sa isang Indian national sa Cainta, Rizal.

Sa nasabing video, sa Barangay San Juan, makikita ang suspek na nakasuot ng violet na T-shirt at tinatakpan ang kalahati ng kanyang mukha gamit ang damit. Kapansin-pansin din na gumawa pa ito ng sign of the cross habang may hawak na patalim bago isagawa ang krimen.

Makikita rin sa CCTV footage na tila nagsenyas ang suspek sa hinihinalang kasabwat bago pumuwesto sa gilid ng isang bahay at nag-abang.

Ilang sandali pa, dumaan ang biktima na umano’y nangongolekta ng utang. Doon na hinarang ng suspek ang lalaki at pinilit itong ibigay ang dalang pera na tinatayang nasa P5,000.

Matapos makuha ang pera, mabilis na tumakas ang suspek palabas ng lugar.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, hindi na nagsampa ng reklamo ang biktima. Gayunman, nanawagan sila sa suspek—na umano’y dati nang nakulong dahil sa pagnanakaw—na sumuko na sa mga awtoridad.