Calendar
Suspek sa pagpapasabog ng granada, nanlaban, patay sa operasyon ng PNP
PATAY ang isa sa dalawang suspect sa pagpapasabog ng granada sa Matalam, North Cotabato nitong Miyerkules na ikinasugat ng 22 indbidwal matapos na manlaban sa mga awtoridad nitong Huwebes ng gabi.
Nakilala ang nasawing suspect na si Hammad Samsudin Ansa.
Ayon kay Matalam Municipal Police Chief Lt. Col, Arniel Melocotones, kinumpirma ng ilang saksi na isa si Ansa sa mga sakay ng motorsiklong naghagis ng granada sa lugar.
Nadala pa sa Babol General Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Na-recover mula sa kanya ang isang .45 caliber pistol, isang magazine at mga bala.
Nakuha din sa katawan ng suspect ang isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,360 at dalawang improvised glass tubes.
Matatandaan na 22 indibidwal kabilang ang ilang bata ang nasugatan makaraang hagisan ng granada ng suspect ang mga residente sa Barangay Dalapitan sa nasabing bayan na nagkakasiyahan at nagpapaputok bilang pagsalubong sa bagong taon.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspect
Agad namang itinaas ang alerto ng mga tauhan ng Police Regional Office 12 at tropa ng militar para arestuhin ang mga suspects.
Kinondena din ni North Cotabato Governor Emmylou Talino-Mendoza at tiniyak na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng katarungan ang nangyari sa mga biktima.

