Suspek Ibinibigay ang P200,000 reward sa prime witness sa kaso ng pagpatay kay Kenneth Ponce. Nasa litrato din ang mga magulang ng pinatay na sina Girlie at Andrew Ponce.

Suspek sa pagtodas sa Cavite biker hinatulan ng 15 taong pagkakabilanggo

Dennis Abrina Nov 11, 2024
16 Views

KAWIT, Cavite–Nahatulang makulong ng 15 taon ang suspek sa kasong robbery with homicide sa isang siklista noong Oktubre 21, 2024 ng 4th Judicial Region Branch 22 sa Brgy. Poblacion ng bayang ito.

Si Judge Zandra Bato ang nagbasa ng hatol kay alyas Apong ng Brgy. Alapan, Imus City batay sa pag-amin nito na nagawa ang pagnanakaw at pagpatay sa biktimang si Kenneth Ponce habang binabagtas ang Advincula Road sa Kawit, Cavite noong Oktubre 3, 2021.

Ipinagkaloob ni Mayor Angelo Aguinaldo ang P200,000 pabuya sa sinumang makakatulong para mahuli ang suspek sa krimen.

Inabot ng tatlong taon ang kaso bago nabigyan ng hustisya ang pagpatay sa biker na si Ponce.

Naresolba ang kaso nang lumitaw ang testigo na itinago sa alyas na Lyn na lumapit sa mga magulang ng biktima para pangunahan ang kaso.

Tinanggap ng korte ang mga pahayag ng testigo na nagpatunay na si Apong ang pumatay sa biker.

Pumunta lamang sa kanyang kaibigan ang biktima na hindi inaasahang mamamatay sa madilim na bahagi ng kalye.

Inakala biktima siya ng hit and run ngunit sa pagsisiyasat, may mga tama siya ng bala at wala na ang kanyang ‘Cole’ Mountain Bike matapos siyang todasin.

“Ako po ay malugod na natuwa at sa wakas po justice is finally served para po sa anak namin.

Maraming salamat din po kay Mayor Aguinaldo ng Kawit sa reward na ibinigay niya sa witness at sa prime witness po na naging tulay upang ma-solve ang kaso ng aming anak,” sabi Andrew Ponce, ama ng biktima.