panghoholdap BLOODY END–Pinoproseso ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang lugar kung saan makikitang nakabulagta ang napatay na suspek.

Suspek sa panghoholdap dedo sa engkwentro, 2 pulis sugatan Holdap suspek patay sa engkwentro

Edd Reyes Jun 20, 2024
35 Views

MADUGO ang wakas ng isang holdap suspek nang mapatay ang suspek at nasugatan ang dalawang pulis noong Huwebes sa Las Pinas City.

Wala pang pagkakakilanlan ang napatay na holdaper habang naisugod sa Las Pinas City Doctor’s Hospital sina P/MSg Panton at P/SSg Anipan, miyembro ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) na iniulat na nasa mabuti na ring kalagayan.

Nagtungo sa pinangyarihan ng barilan sina Southern Police District (SPD Director P/BGen. Leon Victor Rosete at Las Pinas police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla upang pangasiwaan ang ginagawang pagsisiyasat sa naturang insidente.

Sa inisyal na ulat, nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ni Col. Tafalla hinggil sa nagaganap na robbery snatching sa Annaliza St. malapit sa kanto ng S. Marques St. Gatchalian Subdivision, Brgy. Manuyo Dos bago mag-ala-1:00 ng hapon.

Pagdating ng mga tauhan ng TMRU, sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok ng baril na ikinasugat ng dalawang pulis.

Nakaganti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa agarang pagkasawi ng suspek.

Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang mga pulis para sa pagkakakilanlan ng suspek habang nasa maayos ng kalagayan ang dalawang sugatang pulis.