Magsino

Suspensiyon ng DOJ sa IACAT ikinagalak ni Magsino

Mar Rodriguez Sep 4, 2023
164 Views

IKINAGALAK ni OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino ang ibinabang suspensiyon ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa napaka-higpit na implementasyon ng bagong departure order screening guidelines na inilabas ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Sinabi ni Magsino na bagama’t ang human trafficking ang isa sa kaniyang maigting na adbokasiya. Subalit kailangan parin balansehin ang kampanya ng pamahalaan laban dito na hindi naman maapektuhan ang karapatan ng mga Pilipino na maka-travel at makapag-trabaho sa ibayong dagat.

Binigyang diin ni Magsino na matagal na nitong ipinagwawag-wagan ang kaniyang concern sa tinatawag na “arbitrary offloading” ng mga Filipino travelers partikular na ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi pa ng kongresista na kabilang din sa mga issues tinututukan niya ay ang kalunos-lunos na karanasan ng mga pasahero at OFWs sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakakaranas aniya ng matinding stress at inconvenience dahil sa mga flight na atrasado at kanselado.

Ipinaliwanag ni Magsino na hindi lamang ang problema ng IACAT ang kaniyang concern bagkos ang lahat ng issues na nakakulapol sa mga international airport sa bansa kasama na umano dito ang napabalitang pang-aabuso ng ilang tauhan ng Bureau of Immigration (BI).

Gayunman, ikinagagalak pa rin ng OFW Party List Lady solon na ang ibinabang suspensiyon ng Justice Department sa IACAT ay maituturing na isang “problem reliever” para sa mga pasahero o travelers at maging sa mga OFWs sapagkat bahagyang maiibsan nito ang kanilang naranasang kalbaryo.

“Masyado pong strict to support yung ating anti-human trafficking. We have to preserve the ease of travelling sa ating mga passengers with respect to their constitutional right to travel,” pahayag ni Magsino.

Una nang sinabi ni Magsino na walang siyang tutol sa isinasagawang hakbang ng IACAT para sawatain ang talamak na human smuggling sa bansa. Subalit iginigiit nito na hindi naman dapat makompromiso ang mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng Pilipinas o kaya ay magdulot sa kanila ng perwisyo.

“Will they not cause further delay sa pagpo-process ng ating traveler in processing our travelers. Will they not provide a potential source of corruption among our immigration officials,” sabi pa ng kongresista.