Calendar
Susunod na testigo ng prosekusyon ilalahad resulta ng imbestigasyon ng NBI sa ‘pagbabanta’ ni VP Sara
SINABI noong Linggo ng tagapagsalita ng House prosecution at kinatawan ng Lanao del Sur na si Zia Alonto Adiong na ang susunod na saksi ng prosekusyon ay maglalahad ng mga natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon nito kaugnay ng umano’y mga pagbabanta ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte. Gayunman, tumanggi siyang talakayin ang nilalaman ng naturang testimonya bago ito maiharap sa hukuman.
Nakatakdang tumestigo sa Lunes si Atty. Jeremy Lotoc, na kasalukuyang Regional Director ng NBI para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sa muling pagbubukas ng Senate impeachment trial.
Sa panayam sa radyo sa programang Isyung Pambayan ni beteranong brodkaster na si Milky Rigonan sa dzRH, sinabi ni Alonto Adiong na ang testimonya ni Lotoc ay magsisilbing karugtong ng testimonya ng unang saksi ng prosekusyon na si NBI Senior Agent John Mark Calilung.
Pinatunayan ni Calilung ang pagiging tunay ng mga video recording at iba pang digital na ebidensyang may kaugnayan sa pahayag ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 na kumuha umano siya ng isang hitman upang patayin sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at noo’y Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sakaling siya mismo ay mapatay.
Samantala, inaasahang magbibigay si Lotoc ng testimonya hinggil sa naging resulta ng imbestigasyon ng NBI kaugnay ng umano’y mga pagbabanta.
“Si Mr. Calilung, siya ’yung nag-authenticate nitong video na ito. Si Atty. Lotoc, siya ang magbibigay sa atin ng resulta kung anuman po ’yung naging imbestigasyon nila,” Alonto Adiong said.
Gayunman, tumanggi ang tagapagsalita ng Kamara na magbigay ng karagdagang detalye tungkol sa mga natuklasan ng NBI, na aniya’y alinsunod sa sub judice rule.
“Ang masasabi ko lang po, ipagpaumanhin n’yo po kasi isa po ’yan sa mga pag-uusapan. So meron po tayong sub judice rule. ‘Pag hindi po napag-usapan ito sa korte o hindi pa nalalatag sa korte, hindi po natin mapag-uusapan ang merits ng magiging testimonya ni Atty. Lotoc,” he said.
Sinabi ni Alonto Adiong na hahayaan muna ng prosekusyon ang Senate impeachment court na unang makarinig sa testimonya ni Lotoc.
“So without giving too much of the information and, of course, we would also like to respect the court, ’yan po ang magiging participation niya sa darating na Lunes,” he said.
Nakatakdang ipagpatuloy ng House prosecution sa Lunes ang paghaharap ng mga ebidensya habang ipinagpapatuloy nito ang pag-usad ng kasong impeachment laban kay Duterte, na inaakusahan ng paggawa ng grave threats kaugnay ng kanyang online press briefing noong Nobyembre 23, 2024.

