Canadian

BI inaresto Canadian lolo, 72, na may child sex cases

Jun I Legaspi Jul 12, 2026
23 Views

INARESTO noong Hunyo 30 ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang 72-anyos na Canadian national na suspek na banta sa mga bata dahil sa kasaysayan ng sexual offenses sa ibang bansa.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang banyaga na si alias Orville, na inaresto sa Brgy. Caingin, Santa Rosa City, Laguna ng mga operatiba ng BI-Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon kay BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy, isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad ng Canada.

Nag-abiso ang Canadian authorities sa BI hinggil sa presensya ni Mader sa bansa matapos kumpirmahin na kanselado na ang kanyang Canadian passport.

Bagama’t wala siyang kasalukuyang kinahaharap na kaso sa Canada, iniulat ng RCMP at CBSA na may dokumentadong rekord siya ng sexual offenses laban sa mga bata.

Dalawang beses nang naaresto si Mader dahil sa alegasyon ng child sexual offenses—noong 2016 at 2022.

Iniulat din ng mga awtoridad sa Canada ang matagal ng pattern ng kahalintulad na mga paglabag sa Thailand at Cambodia mula pa noong unang bahagi ng 2000.

Naitala sa BI na huling pumasok si Mader sa Pilipinas noong Setyembre 29, 2015 bilang temporary visitor at nanatili nang walang kaukulang extension of stay.

Pinuri ni Viado ang FSU sa patuloy na pagbibigay-prayoridad sa mga kasong kinasasangkutan ng mga banyagang may rekord ng child sexual abuse at exploitation.

Hinikayat niya ang publiko na iulat ang mga pinaghihinalaang banyagang sexual predators o anumang aktibidad ng child exploitation sa Bureau of Immigration o sa Council for the Welfare of Children’s Makabata Helpline 1383.