Martin1 BICAM – Nagbigay ng mensahe si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez (kaliwa) sa bicameral conference committee meeting ukol sa panukalang 2025 national budget, Martes ng umaga sa Manila Hotel sa Manila. Naroon din sina House panel chairperson Elizaldy “Zaldy” Co, Senate panel chairperson Grace Poe at Senate President Francis “Chiz” Escudero. Kuha ni VER NOVENO

Taas allowance ng mga sundalo aprub ng bicam

57 Views

INAPRUBAHAN ng bicameral conference committee para sa 2025 General Appropriations Bill (GAB) ang pondo para maitaas ang P150 arawang subsistence allowance ng mga sundalo sa P350 o P10,500 kada buwan.

Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsisikap ng mga miyembro ng Kamara de Representantes at Senado upang maaprubahan ang panukalang P6.352 trilyong badyet para sa 2025 na naglalayong magpatuloy ang pag-unlad ng bansa at matupad ang mga pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. para sa “Bagong Pilipinas.”

“Napakagandang balita na nilagay po natin ang increase of our soldier’s daily subsistence allowance. We increased it from P150 to P350, that is going to be maintained and fully supported para sa ating mga sundalo,” sinabi ni Speaker Romualdez sa mga mamamahayag sa isang ambush interview matapos ang pagpupulong ng bicam.

Ang pagtataas sa subsistence allowance ay direktiba ni Pangulong Marcos at isinulong ni Speaker Romualdez upang maisama sa bersyon ng badyet ng Kamara.

“Kaya nagagalak po kami for the high morale of the soldiers—our men and women in uniform sa AFP—tuloy po ‘yung daily subsistence allowance increase from P150 to P350. That translates to almost P10,500 kada buwan,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

“This is a big step forward in showing our full support for the men and women in uniform. It recognizes their sacrifices and the sacrifices of their families who stand behind them,” ayon pa kay Speaker Romualdez sa hiwalay na pahayag.

“Ang dagdag na allowance na ito ay hindi lamang suporta sa ating mga sundalo kundi pagkilala rin sa kanilang sakripisyo para sa bayan,” saad pa nito.

Ipinahayag ni House committee on appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo ay pinaglaanan ng P16-bilyong pondo.