Valeriano

Tagalog sa VP Sara impeachment trial suportado ni Valeriano

Mar Rodriguez Jun 26, 2026
146 Views

SUPORTADO ni House Committee on Public Order and Safety chairman Manila Rep. Rolando “CRV” Valeriano ang rekomendasyon ng mga miyembro ng House prosecution panel na Tagalog ang lenggwahe sa Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

“We are discussing about the adoption of Filipino language and English languages to be used during the impeachment trial,” ayon kay Batangas Rep. Gerville Luistro.

Dahil dito, ang paggamit ng Tagalog, para kay Valeriano, ay isang epektibong pamamaraan upang maunawaan ng mga Pilipino ang mga kaganapan sa impeachment hearing lalo na sa puntong isa-isa ng inilalatag ng prosecution panel ang napakaraming ebidensiya laban kay VP Duterte.

Napakahalaga na ganap na maintindihan ng publiko ang kabuuang proseso ng impeachment trial partikular na sa usapin ng “technicalities” para hindi magkaroon ng agam-agam ang mamamayan na “niluto” ang nasabing paglilitis para lamang madiin si Duterte sa kaso, ayon kay Valeriano.

Aminado si Valeriano na marami na sa mga mamamayan ang nagbibigay ng personal opinion na batay lamang sa kanilang pansariling haka-haka.

Ayon kay Valeriano, sa halip na malinawan ang publiko tungkol sa proseso ng impeachment ay lalo lamang silang nalilito at kadalasan ay humahantong sa pagpapalaganap ng maling impormasyon batay na rin sa kanilang maling pagkaunawa.