Trenas Inilahad ni Iloilo City Mayor Jerry P. Treñas ang mga naging tagumpay na nakamit ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno kasabay ang katiyakang ipagpapatuloy ang pag-unlad nito sa isinagawang 2024 State of the City Address (SOCA).

Tagumpay na nakamit ng Iloilo City sa ilalim ng pamunuan ni Treñas inilahad

83 Views

BINIGYANG-DIIN ni Iloilo City Mayor Jerry P. Treñas ang mga bunga ng tagumpay na nakamit ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamumuno kasabay ang katiyakang ipagpapatuloy ang pag-unlad nito sa isinagawang 2024 State of the City Address (SOCA).

Sa kanyang talumpati nitong Lunes, Setyembre 9, hinimok ni Treñas ang lahat na maging responsableng mga pinuno at residente upang lalong mapalakas ang kalagayan ng lungsod.

“Iloilo City will continue to rise because we are a city built for more. Together, we build a city that is not just content with its present state but is constantly striving for more – more opportunities, more growth, and more prosperity for all,” pahayag ng alkalde.

Binanggit niya ang pagbaba ng poverty at unemployment rate sa lungsod, na nagpapakita ng positibong epekto ng mga programa ng lokal na pamahalaan sa buhay ng mga residente.

Mula sa 8.4 porsyento noong unang kalahati ng 2021, bumaba ang poverty incidence sa 6.8 porsyento sa parehong panahon ng 2023.

Sa layuning maakit ang mga negosyo at lumikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho, tumaas ang bilang ng aprobadong business permits at bagong bukas na mga negosyo.

Hanggang sa Agosto nitong taon lamang, ang Iloilo City ay nakapaglabas ng kabuuang 18,868 na business permit pati na rin ang 1,926 na bagong aplikasyon para sa negosyo.

Ipinagmalaki rin ni Treñas ang pagkilala bilang panglima sa Most Competitive Highly Urbanized City sa bansa at nag-iisang lungsod sa Visayas at Mindanao na nakapasok sa Top 5.

Ilan sa mga kasalukuyang programa sa kalusugan at nutrisyon, at mga proyektong pang-imprastruktura tulad ng Level-2 Iloilo City Hospital at Medical Arts Building.

Espesyal na binanggit rin ang iba’t ibang programa ng lungsod tulad ng Rise-A-Farm, na itinanghal bilang finalist sa Galing Pook at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Walang Gutom Award 2024; ang Iloilo City Sports Academy, na finalist sa Galing Pook 2023; Uswag Nutrition Center na may layuning puksain ang malnutrisyon; at ang pagsasaayos ng anim na district plaza pati na rin ang mga pampublikong palengke.

Sa ilalim ng Programang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD, ang lungsod ay nakapamahagi ng kabuuang P50 milyon na tulong pinansyal sa mga nasa 15,000 residenteng nangangailangan.

Binigyang-diin din niTreñas ang dedikasyon ng lungsod sa kaligtasan at seguridad, sa pamamagitan ng suporta sa mga ahensiyang nagpapatupad ng batas laban sa ilegal na gawain at mapanatili ang mapayapang pamayanan.

Itinala ang Iloilo City bilang ika-walong pinakaligtas na lungsod sa Asya, batay sa Numbeo Southeast Asia Safety Index para sa 2023; at idineklara bilang insurgency-free city ng Joint Peace and Security Coordination Center (JPSCC).

Sinabi ng alkalde na walang puwang ang mga ilegal na gawain tulad ng POGO sa Iloilo City.

“We are one with President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. in the fight against this kind of illegal activities. We will continue to work with law enforcement agencies to ensure none of these will thrive in our city,” mariing sabi ni Treñas.

Inilahad din ang mga inisyatibo ng lungsod sa pangangalaga ng kalikasan gaya ng aktibong pagsasagawa ng massive planting lalo na ng mga native tress, pagsulong ng mga programa tulad ng I-Bike Program, at marami pa.

Tiniyak ang patuloy na pag-unlad ng lungsod sa pamamagitan ng strategic roadmap na ‘RISE, Iloilo City,’ alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals.

Nanatili rin ang layunin ng Iloilo City na mapabilang sa Top 3 Most Liveable Sustainable and Resilient City sa bansa.

Kinilala naman ng alkalde ang ambag ng bawat isa, mula sa masisipag na mga empleyado ng lungsod at ibat’ ibang sektor, kasama ang mga residente ng lungsod, na lahat ay may mahalagang papel para maabot ang tagumpay at maginhawang buhay para sa lahat.