Senate

TAGUMPAY NG BINI TAGUMPAY NG KABATAANG PILIPINO — MARCOS

25 Views

Senate1Senate2PINAGTIBAY ng House of Representatives ang House Resolution (HR) No. 93, na dating HR No. 1001, bilang pagbibigay-pugay at pagbati sa Pinoy pop sensation na BINI matapos nitong makagawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang Filipino pop group na nagtanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival 2026.

Sinabi ni House Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos III nitong Lunes na ang pagkilala ng Kamara ay hindi lamang pagdiriwang sa pandaigdigang tagumpay ng BINI kundi pati na rin sa lumalawak na pandaigdigang impluwensiya ng talento at pagkamalikhain ng mga Pilipino.

“Ang tagumpay ng BINI sa Coachella ay tagumpay ng bawat kabataang Pilipino na nangangarap dalhin ang ating musika, wika at pagkamalikhain sa pandaigdigang entablado,” pahayag ni Marcos nang pormal na iabot ang HR 93 sa mga miyembro ng BINI na personal na bumisita sa House of Representatives.

“Sa ilalim ng bisyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa isang may kumpiyansang kulturang Pilipino, at sa suporta ni Speaker Bojie Dy para sa creative industries, ipinapakita natin sa ating mga artista na kinikilala sila ng bansa, pinahahalagahan at naniniwala sa kanilang lugar sa mundo,” dagdag ni Marcos.

Kinikilala sa resolusyon ang BINI, na binubuo nina Aiah, Colet, Maloi, Gwen, Stacey, Mikha, Jhoanna at Sheena, bilang “Nation’s Girl Group” dahil sa kanilang ambag sa P-pop movement at sa pagtulong na hubugin ang isang makabago at globally competitive na anyo ng Original Pilipino Music (OPM).

Nakasaad sa resolusyon na ang P-pop, bilang subgenre ng OPM, ay nagpapalakas sa presensiyang kultural ng bansa, nagpapakilala ng musikang Pilipino sa buong mundo at nagpapalawak sa abot ng Philippine creative industries.

Bago naging HR 93, pinagtibay muna ang HR No. 1001 bilang kapalit ng HR Nos. 930 at 934, na kapwa naghahangad magbigay-pugay sa makasaysayang pagtatanghal ng BINI sa Coachella at, sa isang naunang resolusyon, kay Sophia Laforteza ng global girl group na Katseye.

Inihain ang resolusyon nina Reps. Javier Miguel Benitez, Rachel Marguerite Del Mar, Ma. Nina Francesca Lacson, Charisse Anne Hernandez, Midy Cua, Laarni Mercado-Revilla, Rebecca Maria Alcantara Ynares, Ma. Georgina De Venecia, Ryan Recto, Juan Carlos “Arjo” Atayde, Richard Gomez DPA, Brian Poe, Sarah Jane Elago at Antonio Tinio.

Binanggit sa panukala ang atas ng Konstitusyon na bigyang prayoridad ng Estado ang sining at kultura, palaganapin ang patriyotismo at nasyonalismo, at itaguyod ang kabuuang pag-unlad ng tao.

Binibigyang-diin din nito ang tungkulin ng Estado na pangalagaan, payamanin at suportahan ang patuloy na pag-unlad ng pambansang kulturang Pilipino, lalo na’t mas nakikilala na sa pandaigdigang entertainment industry ang mga artistang Pilipino.

Inilarawan sa resolusyon ang Coachella bilang isa sa pinakaimpluwensiyal na cultural events sa mundo, tampok ang mga nangungunang international artists at dinadaluhan ng daan-daang libong tao, industry leaders at international media.

Nagtanghal ang BINI sa Coachella noong Abril 10 at 17, 2026 sa Empire Polo Club sa Indio, California, na itinuturing na malaking tagumpay para sa musikang Pilipino sa international mainstream.

Ayon sa resolusyon, nagtanghal ang BINI ng 45-minutong set sa Mojave stage, inilunsad ang kantang “Blush” mula sa kanilang EP na “Signals,” at inawit ang mga hit na “Pantropiko,” “Karera” at “Salamin, Salamin” sa harap ng pandaigdigang audience.

Sinabi ni Marcos na ang pagkilala ng Kamara ay may praktikal ding mensahe para sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga pamilyang sumusuporta sa kanilang mga anak na nais tahakin ang musika, sayaw, production, content creation at iba pang creative work na madalas ituring na hindi tiyak o impraktikal.

“Para sa maraming kabataan, pinatutunayan ng BINI na ang pagkamalikhain ay maaaring maging landas, propesyon at pinagmumulan ng pambansang pagmamalaki,” diin ni Marcos.

“Bahagi ng nation-building ang creative economy, dahil kapag nagtatagumpay ang talentong Pilipino, lumilikha ito ng trabaho, nagbibigay-inspirasyon sa mga komunidad at naipapalaganap ang ating kultura nang higit pa sa anumang talumpati,” ani Marcos.

Nakasaad sa resolusyon na ang tagumpay ng BINI ay nagpapakita ng lumalakas na pandaigdigang presensiya ng mga artistang Pilipino at nagsisilbing inspirasyon sa mga nangangarap na artista at creatives sa buong bansa. Magkakaloob din ng kopya ng resolusyon sa grupo bilang tanda ng pagkilala mula sa House of Representatives.