Calendar

MATAPOS ang ilang buwang deliberasyon sa parehong Kapulungan ng Kongreso, nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12216 noong Mayo 29, 2025, na opisyal na nagpapalawig sa corporate life ng National Housing Authority (NHA) ng karagdagang 25 taon, na sumakto para sa ika-50 anibersaryo ng ahensya sa Hulyo 31.
Nagpahayag naman si NHA General Manager Joeben A. Tai, na siyang nagsulong para sa pagpasa ng batas, ng kanyang lubos na kasiyahan at pasasalamat sa mga mambabatas na sumuporta para sa napapanahong pagpasa ng R.A. 12216. Ayon sa kanya, ito ay magbibigay sa ahensya ng karagdagang 25 taon na corporate term na makakatulong sa pagpapalawak ng kapangyarihan at tungkulin nito upang saklawin ang mga operasyon sa pabahay, maging ang iba pang support services.
“Malaki po ang aking pasasalamat sa mga kasamahan ko sa ahensya, sa ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa pagpirma at sa pagpapalawig ng aming corporate life nang dalawampu’t limang taon pa,” GM Tai said in his statement.
Noong Mayo 15, 2024, naaprubahan ng House of Representatives (HoR) sa ikatlong pagdinig ang House Bill (HB) No. 10172 na isang konsolidasyon ng iba’t ibang panukalang batas na inihain sa Mababang Kapulungan, kabilang ang mga inihain nina House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Senior Deputy Majority Leader Rep. Sandro A. Marcos.
Pagkatapos nitong maipadala sa Senado, nagsagawa ng isang public hearing ang Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, na pinamumunuan ni Senator Imee Marcos, upang talakayin ang iminungkahing batas noong Hunyo 24, 2024.
Noong Setyembre 24, 2024, pormal na inisponsoran ni Sen. Marcos ang Senate Bill (SB) No. 2818, “An Act Strengthening National Housing Authority by Extending its Corporate Term and Rationalizing its Powers, Repealing for this Purpose Presidential Decree No. 757, Series of 1975,” kung saan hinimok niya ang kaniyang mga kapwa-mambabatas na suportahan ang pagiging batas nito.
Nang sumapit ang Pebrero 3, 2025, inaprubahan ng Senado ang panukalang batas sa ikatlong pagbasa kung saan labing-siyam (19) na senador ang pumabor sa pagpasa nito. Pagkalipas lamang ng dalawang araw, inaprubahan ng HoR ang SB No. 2818 bilang pag-amyenda sa HB No. 10172.
Kabilang sa mga salient provisions ng batas ang pagtaas ng capitalization ng NHA mula P5 bilyon hanggang P10 bilyon, na babayaran nang buo sa loob ng 10 taon; at ang reorganization ng Board of Directors nito na bubuin ng DHSUD, DPWH, DOF, DILG, DBM, DEPDev, NHA General Manager, at dalawa (2) pang dalubhasa sa housing, urban planning, and development.
Pinalalawak din ng batas ang mandato ng NHA na bumuo ng climate-resilient housing, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor, at tutugon sa mga pangangailangan sa aspeto ng post-disaster housing sa pamamagitan ng pagbuo ng Disaster and Emergency Response Housing Office o DERHO.
Sa bisa ng new Charter, binigyan ang NHA ng kapangyarihan na makisali sa mga public-private partnerships, magsagawa ng land banking, at mag-isyu ng mga bonds na tutustos sa mga programang pabahay. Magbibigay din ang nasabing batas ng mga tax at fee exemptions para sa mga operasyon ng ahensya, kabilang ang exemption sa VAT, real property tax, at building permit fees.
Isang makabuluhang tampok ng R.A. 12216 ang pagbibigay-pansin sa mga informal settler families (ISFs) at mga marginalized sectors, na may malinaw na mga alituntunin para sa resettlement, pagpili ng benepisyaryo, at pagpapawalang-bisa ng award sa pabahay sa mga kaso ng pag-abandona o ilegal na pag-okupa. Ang transparency ay ipinag-uutos din sa pamamagitan ng mga pampublikong konsultasyon at regular five-year performance reviews.
“Hindi po natin bibiguin ang tiwalang ipinagkaloob sa atin ng ating Pangulo at ng iba pang magigiting na mga mambabatas na naging instrumento sa pagiging posible ng hangaring ito. Pag-iibayuhin pa po natin lalo ang ating mga serbisyo para sa mas nakararaming pamilyang Pilipino tungo sa isang Bagong Pilipinas,” dagdag pa ni GM Tai.
Itinatag noong 1975 bilang isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, nilagdaan noon ni Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. ang PD 757, na lumikha sa NHA bilang ahensyang tumututok sa pagpapabahay sa mga Pilipino.