Quiboloy

Tanong ng lider ng Kamara: Bakit hindi pa rin nahahanap si Quiboloy?

Mar Rodriguez May 6, 2024
158 Views

IKINABAHALA ng isang lider ng Kamara de Representantes na hanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap ng otoridad si Pastor Apollo Quiboloy, ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

“My bigger concern is bakit hindi pa nahahanap si Quiboloy,” ani Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez na natanong sa isang press conference nitong Lunes kaugnay ng petisyon na ilipat ang kasong kinakaharap ni Quiboloy sa Pasig City mula sa Davao City.

Inendorso ng Office of the Court Administrator (OCA) ang hiling ng Department of Justice (DOJ) na ilipat sa Pasig City ang kasong kriminal na kinakaharap ni Quiboloy.

“We’ve been on a manhunt for how many months already. I know the Senate had already issued a warrant against him. The PNP has been looking for him, the NBI has been looking for him,” sabi ni Suarez.

“So, I think the bigger question is: where is Pastor Apollo Quiboloy? I think that’s the bigger question we need to ask,” dagdag pa nito.

Noong Marso, ipinag-utos ng Senado ang pag-aresto kay Quiboloy na hindi sumipot sa mga pagdinig kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya at KOJC.

Bukod sa Senado, naglabas din ang Kamara ng arrest warrant laban kay Quiboloy dahil hindi rin ito sumipot sa pagdinig ng Kamara kaugnay ng mga paglabag ng Sonshine Media Network Inc. (SMNI) sa termino ng prangkisa nito.

Mayroon ding inilabas na arrest warrant ang korte sa Davao laban kay Quiboloy kaugnay ng kinakaharap nitong sexual abuse at child abuse, samantalang isang korte sa Pasig City ang naglabas ng warrant of arrest laban sa Pastor kaugnay ng kinakaharap nitong human trafficking.

Sinabi ni Suarez na ang pagatatago ni Quiboloy ay nagpapakita ng kawalang respeto nito sa gobyerno at sa mga batas ng bansa.

Nanawagan si Suarez sa mga alagad ng batas na doblehin ang kanilang pagtatrabaho upang mahanap si Quiboloy upang mapaharap sa mga alegasyon laban sa kanya.

“This is also a gentle callout to our law enforcement agencies to implement, look for him and put him in proper custody so that we can fully progress into the legal proceedings when it comes to the cases that he is now facing,” giit ni Suarez.

Pinuri naman nina House Assistant Majority Leaders Jil Bongalon (AKO BICOL Party-list), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District), at Paolo Ortega (La Union, 1st District), at Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang rekomendasyon ng OCA na mailipat ang kaso ni Quiboloy sa Pasig City upang matiyak ang pagiging patas at kaligtasan ng mga sangkot na indibidwal.

Iginiit ni Bongalon ang kahalagahan n matiyak na hindi makokompormiso ang pagiging patas ng pagdinig.

“For us to expect neutrality in the environment, for us to expect fair play and impartiality during the entire course of the legal proceedings, kailangan po mag-change venue,” sabi ni Bongalon.

Sinabi naman ni Chua na hindi na bago ang paglilipat ng venue ng pagdinig ng kaso.

“Nangyayari po talaga iyan sa proseso po ng korte na ‘pag sa tingin po ng batas ay magkakaroon ng whitewash or may impluwensya ‘yung tao doon sa
lugar, ina-allow po ‘yung ganitong proseso – ‘yung change of venue,” sabi ni Chua.

Ganito rin ang punto ni Adiong.

“Lahat naman po tayo nanonood ng mga games, ‘di ba, especially basketball games? May kasabihan tayo na home court advantage,” sabi ni Adiong.

Ipinunto ni Adiong na ang Davao City ay kilalang balwarte ni Quiboloy at maaaring ito ang isinasaalang-alang kaya hiniling na mailipat ito sa Pasig City.

“Kasi doon po ang bailiwick talaga ni Quiboloy,” dagdag pa ni Adiong.

Sinabi naman ni Ortega na ang kaso ni Quiboloy ay hindi na lamang lokal kundi isa ng international issue.

“This is no longer a local issue, national, actually international issue na siya kasi meron din pong outside of our borders, meron din po mga nakahain against the pastor. So magnified na po ‘tong kaso na ito,” wika pa ni Ortega.

Iginiit ni Ortega ang kahalagahan na maprotektahan ang mga indibidwal na may kaugnayan sa kaso at isa sa paraa upang maabot ito ay sa pamamagitan ng pagpapalit ng korte.