Calendar
Tapusin bitin na flood control projects–Ejercito
IPINATATAPOS ni Senate Committee on Finance Chairman JV Ejercito ang mga lehitimong flood-control project na hindi pa natatapos pero hindi dapat pondohan ang mga natukoy na irregular o fraudulent.
Humingi si Ejercito ng listahan ng mga flood-control project na naimbestigahan at natukoy na irregular, ghost o substandard upang magamit ng Senado sa pagpili kung alin sa mga hindi pa tapos na proyekto ang dapat pondohan.
Kailangang tapusin ang mga kinakailangang proyekto at isara ang mga puwang sa flood-control system.
“Then we will only allow those uncompleted projects that are not irregular or fraudulent,” sabi niya.
Sinabi ni COA Chairman Gamaliel Cordoba na halos 50 fraud audit reports na ang natapos ng komisyon kaugnay ng flood-control projects at naipadala na sa Office of the Ombudsman.
Iba-iba ang resulta ng mga audit ngunit marami sa mga proyektong sinuri ang nakitang defective o nonexistent.
Ayon kay Ejercito, na-zero ang flood-control funding para sa 2026, habang mayroon pang mga hindi natapos na proyekto at puwang sa flood-control system na nais niyang maisara.
Noon pang 2016 ay may audit observation ang COA tungkol sa kawalan ng flood-control master plan sa Department of Public Works and Highways.
“Tama po kayo, nagkaroon ng gaps. Kasi wala master plan,” sabi ni Cordoba.
Sinabi ni Ejercito na dapat ding tingnan ang master plan, kaukulang regional o provincial approvals at program of works sa pagpili kung aling flood-control projects ang dapat pondohan.

