Bakuna

30%-40% ng mga sanggol di kumpleto sa bakuna kahit budget dumoble

26 Views

HINDI kumpleto sa bakuna ang tinatayang 35% hanggang 40% ng mga sanggol habang umabot sa P590.3 milyon ang tinatayang halaga ng vaccine wastage noong 2025, ayon sa datos na inilahad ni Senate President Sherwin Gatchalian.

Lumabas ang mga numero sa pagdinig ng Senate Committee on Finance noong Biyernes, Setyembre 4, sa panukalang 2027 budget ng Department of Health.

Nanatili lamang sa 60% hanggang 65% ang fully immunized child coverage sa nakalipas na limang taon kahit halos dumoble ang halaga ng mga regular na bakunang binili para sa mga bata sa kanilang unang 1,000 araw—mula P2.56 bilyon noong 2023 tungong P4.93 bilyon noong 2025.

“Despite the increase in budget, nakikita namin na ‘yung coverage is only 65%,” sabi ni Gatchalian kay Health Secretary Edwin Mercado.

Ang P590.3 milyon ay pagtaya ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM 2 batay sa procurement costs at wastage benchmarks ng DOH.

“Maraming wastage ang nangyayari—about half a billion ang nasasayang,” sabi ni Gatchalian.

Pinakamalaki sa tinatayang wastage ang measles, mumps and rubella o MMR vaccine na P254.5 milyon. Kasunod ang pneumococcal conjugate vaccine o PCV na P111.5 milyon at inactivated polio vaccine na P101.1 milyon.

Kasama rin sa pagtaya ang P51.2 milyon sa bakuna laban sa tuberculosis o BCG, P36.7 milyon sa pentavalent vaccines, P24.3 milyon sa bivalent oral polio vaccine at P11.1 milyon sa hepatitis B vaccine.

Ayon kay Gatchalian, maaaring maitaas sa 70% hanggang 80% ang immunization coverage kung magagamit para sa mga batang hindi pa nababakunahan ang katumbas na halaga ng nasasayang na suplay.

“So kung naibibigay natin ‘yung half a billion doon sa mga batang ‘yon… baka 70%-80% ng mga bata ang ma-immunize natin at mabibigyan ng vaccines,” aniya.

Itinuro ng senador ang pamamahala sa imbentaryo bilang problemang dapat tutukan ng DOH.

“Inventory problem is something that you need to put a lot of attention kasi ang daming perang nasasayang eh,” sabi niya.

Kinilala ni Mercado ang problema sa kasalukuyang inventory system. Sinabi niyang palalawakin ng DOH ang pagsubaybay sa mga bakuna hanggang sa mga lokal na pamahalaan at rural health unit.

“Kaya sabi ko, ‘yun ang una nating ayusin… down to the level of the LGU sa RHUs, kasi minsan po nata-track lang hanggang doon sa regional office, hindi down to the last mile nung actual delivery nung services,” sabi ni Mercado.

Plano rin ng DOH na pag-ugnayin ang mga programa at database nito sa PhilHealth upang masubaybayan ang mga serbisyong pangkalusugan mula sa pagbubuntis hanggang sa pagpasok ng bata sa paaralan.