Diokno

Target na 6-7% paglago ng ekonomiya ngayong taon kayang abutin—DOF chief

162 Views

KUMPIYANSA si Finance Secretary Benjamin Diokno na kayang maabot ng Pilipinas ang target na 6 hanggang 7 porsyentong paglago ng ekonomiya ngayong taon.

Ayon kay Diokno kailangang lumago ng 6.6 porsyento sa huling semestre ng 2023 upang maabot ang target.

“The Philippine economy has to grow by 6.6% in the second half of the year to achieve the lower end of the 6% to 7 % growth target for 2023,” ani Diokno. “While there are formidable external challenges, the prospect for achieving this lofty goal is largely in the hands of the current administration.”

Sa unang quarter ng taon ay nakapagtala ang bansa ng 6.4 porsyentong paglago ng ekonomiya. Sa ikalawang quarter ay bumagal ito sa 4.3 porsyento.

Ang pagbagal ng paglago ng ekonomiya ay iniuugnay sa mabagal na paggastos ng gobyerno.

Ang target na paggastos ng gobyerno ng P2.58 trilyon sa unang kalahati ng taon ay hindi naabot. Umabot lamang umano ito sa 2.411 trilyon, batay sa datos ng Bureau of the Treasury.

Sinabi naman ni Diokno na hahabuling ang underspending noong unang semestre ng taon sa pamamagitan ng paglatag ng catch-up plan ng iba’t ibang ahensya.

“An aggressive catch-up plan for infrastructure projects (roads, bridges, airports, seaports, power, water, irrigation, telecommunications facilities, digitalization, school buildings, housing and others), quicker response by GOCCs, and strong and deliberate spending by resource-surplus local governments are essential parts of the solution to the relatively weak second quarter growth performance of the Philippine economy,” dagdag pa ni Diokno.

Sinabi naman ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na pabibilisin ng gobyerno ang implementasyon iba’t ibang programa at proyekto sa nalalabing bahagi ng taon.