Tarzan

‘Tarzan’ nagtago, bumaba mula kisame, nilooban salon sa QC

140 Views

SAPUL sa CCTV ang mala-Tarzan na pagpasok ng isang lalaki mula sa kisame ng isang salon sa Barangay Kamuning Quezon City

Kinilala ang suspek sa alyas na “Gel,” residente ng nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Kamuning Police Station (PS 10), dakong alas-4:50 ng madaling araw noong Setyembre 7 nang mapansin ng operations manager ng salon, na nagmo-monitor sa CCTV gamit ang kanyang cellphone, ang isang lalaki na sinisira umano ang kisame ng establisimyento.

Maya-maya ay nakita ang suspek na pumasok sa salon sa butas na ginawa sa kisame kaya agad itong ini-report sa pulisya.

Rumesponde ang mga tauhan ng PS 10, katuwang ang mga Barangay Public Safety Officer, at nagsagawa ng paghahanap sa isang abandonadong bahay na katabi ng salon.

Dito natagpuan ang suspek na nagtatago sa loob ng kisame at dakong alas-6 ng umaga ay tuluyang naaresto.

Narekober sa kanya ang P5,000 cash na umano’y kinuha mula sa kinita ng salon noong Setyembre 6.

Napag-alaman din na dati nang naaresto ang suspek dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree No. 1602 noong Setyembre 2024 at Hulyo 2026, gayundin sa Republic Act No. 9287 noong Hulyo 2025.

Isinailalim na ang suspek sa inquest proceedings sa Prosecutor’s Office para sa kasong robbery.

Ayon kay QCPD Acting District Director PBGen. Christopher Olazo, patuloy na paiigtingin ng pulisya ang police operations at visibility upang mabilis na matugunan ang mga insidente at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.