Rep. Cayton

CAYTON, MULING NAGTANONG SA DENR HINGGIL SA MINING EXPLORATION SA NUEVA VIZCAYA

Mar Rodriguez Sep 8, 2026
152 Views

MULING iginiit ni House Assistant Majority Leader at Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph “Tim” Cayton ang pangangailangan ng masusing pagsusuri sa mga “mining exploration activities sa Nueva Vizcaya” sa isinagawang budget briefing ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa House Committee on Appropriations.

Binigyang-diin ni Cayton na mahalagang talakayin at siyasatin ang mga usaping may direktang epekto sa kalikasan, mga komunidad at kapayapaan sa lalawigan.

Kabilang sa mga pangunahing isyung itinaas ni Cayton ang status ng exploration permit ng Northern Luzon Mining Resources Corporation (NLM/NLMRC) sa Kasibu.

Tinalakay rin ang mga ulat hinggil sa mga protesta, barricades at mga kasong isinampa na may kaugnayan sa mining exploration activities sa lugar.

Ipinunto rin ng mambabatas ang pangangailangang matukoy kung may mga mining activity na maaaring pumasok sa forest reserves, ancestral domains, watersheds at iba pang lugar na saklaw ng mining restrictions.

Hiniling din ang review sa exploration activities sa “Dupax del Norte” kabilang ang isang permit na kasalukuyang suspended.

Samantala, nais ding ni Cayton na masuri muna ang mga exploration applications sa Santa Fe at Aritao bago magkaroon ng anumang panibagong pag-iisyu ng permit.

Bukod sa mining concerns, iginiit din ni Cayton ang mas malawak na assessment sa mga forest at public lands sa Nueva Vizcaya upang matukoy ang mga lugar na maaaring ma-reclassify bilang alienable and disposable (A&D) alinsunod sa mga umiiral na batas at proseso.

Iminungkahi rin ng kongresista ang pagsasagawa ng biophysical assessment na maaaring magsilbing batayan sa reclassification ng mga lupain at sa paghahain ng nararapat na legislative measure.

Ayon kay Cayton, mahalagang magkaroon ng sapat na datos at masusing pag-aaral bago gumawa ng mga desisyong maaaring magkaroon ng pangmatagalang epekto sa kalikasan at mga komunidad.

Para kay Cayton, ang pagiging aktibong kinatawan sa Kongreso ay hindi lamang tungkol sa pagdalo sa mga hearing kundi sa paggamit ng mga ito upang maiparating ang mga isyu at pangangailangan ng mga nasasakupan.

To God be the Glory