Calendar

Taunang insentibo ipinamahagi sa 409 bgy tanod ng Bongabong
MATAPOS ang Orientation on Standard First Aid for DRRM Auxiliary, tumanggap ng taunang insentibo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ang 409 na barangay tanod ng bayan ng Bongabong na ginanap sa Brgy. Poblacion, Lunes, Marso 3.
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito “Bonz” Dolor, pinaamyendahan niya sa Sangguniang Panlalawigan ang naunang ordinansa na nagkakaloob ng insentibo sa mga barangay workers upang taunang na ring maisama dito ang mga barangay tanod.
“Araw ito ng pasasalamat, pagkilala at pagpupugay sa inyong mahalagang serbisyo sa inyong mga barangay,” dagdag ng gobernador.
Namahagi rin ang gobernador ng mga kagamitan sa mga barangay tanod ng Bongabong.
Samantala, pinagkalooban din ng tig-200 sako ng semento ang mga kapitan ng 36 na barangay ng naturang bayan.
Maaari nilang magamit ang mga ito sa pagpapagawa ng drainage canal, pathways at ilang pagawain sa barangay.
Sa ngalan ni Mayor Elgin Malaluan, taos-pusong pasasalamat kay Gob. Bonz, Vice-Gob. Falcon at sa buong Pamahalaang Panlalawigan sa walang sawang suporta sa kanilang bayan ang ipinaabot ni Vice-Mayor Richard Candelario.
Nagbigay rin ng buong suporta sina Oriental Mindoro First Lady Hiyas Govinda Ramos-Dolor, Vice-Governor Ejay Falcon, Board Member Roland Ruga, Board Member Joms Dimapilis, Board Member Paulo Umali at Board Member Lito Camo at dating Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor.