Sanglaan

‘TERMITE GANG’ SINALAKAY BHF PAWNSHOP SA CABANATUAN, MGA ALAHAS TINANGAY

Steve A. Gosuico Sep 11, 2026
25 Views

Sanglaan1CABANATUAN CITY – Sinalakay ng umano’y “Termite Gang” ang isang pawnshop nitong Linggo at tinangay ang mga alahas na hindi pa matukoy ang halaga bago tumakas sa drainage tunnel na kanilang hinukay papasok sa nasabing establisyimento.

Ang ninakawan ay ang BHF Pawnshop sa Sanciangco St., Bgy. Melojavilla, sa lungsod na ito.

Natuklasan ng branch manager ng pawnshop ang robbery-break-in dakong alas-8:35 ng umaga at iniulat ito sa pulisya bandang alas-9 ng umaga noong Lunes.

Ayon sa imbestigasyon, nakatanggap ang lokal na pulisya ng tawag mula sa branch manager ng pawnshop na nagsasabing ninakawan ito ng mga hindi kilalang kalalakihan, na sapilitang pumasok sa establisyimento sa pamamagitan ng paggawa ng tunnel canal sa ilalim ng lupa bago gumawa ng butas sa ilalim ng sementong sahig ng pawnshop.

Pagpasok sa loob, tinangay ng mga suspek ang lahat ng mahahalagang gamit at alahas bago tumakas sa parehong ruta ng kanal na kanilang pinasukan.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng mga umano’y magnanakaw at sa kanilang kinaroroonan.