Pawnshop

Termite gang umatake sa sanglaan; alahas, cash nilimas

Edd Reyes Apr 14, 2026
101 Views

TINATAYANG P1.1 milyong halaga ng mga alahas at P100,000 cash ang natangay ng “termite gang” galing sa pinasok nilang bahay-sanglaan sa Pasay City noong Lunes.

Base sa report, alas-8:00 ng umaga nadiskubre ng appraiser na si alyas Marjorie, 27, ang panloloob sa United Pawnshop sa Libertad St., Brgy. 40, Pasay City.

Lumabas sa pagsisiyasat ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto na nakapasok ang mga kawatan sa binutas na konkretong pader at puwersahang binuksan ang vault at tinangay ang mga alahas na nasa display counter na nagkakahalaga ng P1.1 milyon at P100,000 cash.

Bumuo na ng Station Special Investigation Team (SSIT) ang Pasay police para magsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa pagnanakaw.

Aalamin din ng pulisya kung may kaugnayan ang mga kawatan sa criminal group na may kahalintulad ng modus operandi na magiging daan para sa kanilang pagkakadakip.