Imelda Imelda Papin kasama si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr at mga bituin ng ‘The Imelda Papin Story’

The Untold Story of Imelda, may grand premiere sa SM MOA cinemas

Eugene Asis Apr 6, 2024
157 Views
Imelda1
Imelda Papin

ANG biographical film na “The Untold Story of Imelda Papin” ay magkakaroon ng grand premiere showing sa apat na sinehan sa SM MOA Cinemas ngayong Linggo, Abril 6, ika-6 ng gabi.

Umiinog ito sa buhay ng singer, actress at politician na si Imelda Papin at kung paanong ang isang simpleng babae mula sa Bikol ay nagtagumpay. Gayunman, mas binigyang pansin ng pelikula ang naging buhay ni Imelda at ng kanyang kapatid na si Gloria nang sumama sila sa dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. at Unang Ginang Imelda Romualdez-Marcos nang ma-exile ang First Couple sa Hawaii.

Tumatalakay ang pelikula sa tunay na dahilan kung bakit isinakripisyo ni Imelda ang kanyang magandang karera upang magsilbi sa mga Marcoses.

Ang “The Untold Story of Imelda Papin” ay pinangungunahan nina Claudine Barretto bilang Imelda Papin, Alice Dixson bilang First Lady Imelda Marcos at George Estregan, Jr. (ER Ejercito) bilang dating Pangulong Marcos, Sr.

Kabilang din sa mga bituin sina Maffi Papin Carrion as herself, Gary Estrada bilang Bong Carrion, PJ Abella as Imelda’s late manager, June Quintana, Aileen Papin as Gloria Papin, Ruby Arcilla bilang ina ni Imelda, Julian Roxas bilang ama ni Imelda, Kanishia Santos bilang batang Imelda, Harmony Kwon bilang teen Imelda, Hero Bautista bilang Amay Bisaya, at iba pa. May cameo roles din ang ilan sa mga kilalang aktor ng pelikulang Pilipino na kinabibilangan nina Amay Bisaya as himself, Marissa Delgado, Janice Jurado, at iba pa.

Mula sa direksyon ni Gabby Ramos sa ilalim ng Queenstar Productions, ang “The Untold Story of Imelda Papin” ay sponsored ng Philippine Charity Sweepstakes (PCSO) sa pakikipagtulungan ng Fraternal Order of Eagles or Philippine Eagles.

Ang iba pang schedules ng pagtatanghal nito ay sa mga sumusunod na petsa at lugar: April 13, SM City Pampanga, May 2, SM Davao, May 4, at Skydome, SM North Edsa , May 11, Cebu City, and May 17, Cagayan de Oro City. Ipalalabas din ito sa Hong Kong, Macau, Singapore, Japan at Dubai sa Hulyo, at sa Canada at Australia sa Agosto.