UAAP Kampeon ulit ang UST sa UAAP men’s beach volleyball. UAAP photo

Three-peat nasungkit ng UST

Theodore Jurado Jun 6, 2022
326 Views

NAMAYANI ang University of Santo Tomas laban sa National University, 28-26, 21-15, upang makumpleto ang three-peat sa UAAP men’s beach volleyball tournament sa Sands SM By The Bay kahapon.

Ang two-time Southeast Asian Games bronze medalist na si Jaron Requinton ay nagawang magampanan ang trabaho ng maayos matapos maipasok sa katapusan ng eliminations upang mapalakas ang pagdedepensa ng kampeonato ng Growling Tigers.

“Sobrang challenging po sa akin kasi sa national team defender ako, so pagpasok ko sa training bubble ng UST, kailangan ko pong mag-adjust kasi ako po yung blocker,” sabi ni Requinton.

“One week ako nag-training na puro block, block, block hanggang sa pinasok po ako,” aniya.

Ang krusyal na block ni Requinton kay Pol Salvador ang siyang nagpanalo sa Tigers sa extended first set.

Kumarera ang UST sa 7-2 second set lead at kinalaunan ay lumayo sa pamamagitan ng apat na sunod na puntos para sa 16-9 abante matapos umiskor si Requinton ng service ace.

Hindi na nakabangon ang Bulldogs, na nasa kanilang unang Finals stint magmula pa noong 2017, magmula noon.

Nanatili pa rin ang Growling Tigers na pinakamatagumpay na koponan na may anim na korona.

Naglalaro sa harapan ng pamilya at matalik na kaibigan na lumipad pa galing ng Cebu nitong weekend, itinanghal si Rancel Varga na tournament MVP sa ikalawang sunod na season.

“Yung MVP bonus po iyon. Our goal talaga is to win the championship, yung three-peat po,” sabi Varga, na ang kanyang go-ahead kill sa huling bahagi ng first set ay siyang bumasag sa 26-26 deadlock.

“Sobrang saya kasi nandito ulit yung family ko. Sobrang saya kasi na-witness po nila kung ano yung pinaghirapan namin ng ilang taon,” aniya.

Pinuri ni Requinton, na nailista na third player, si Efraem Dimaculangan sa kanilang pagtatambal kay Varga upang tulungan ang Tigers na magwagi ng apat sa unang limang laro.

“Sobrang nakaka-proud kasi from defender to blocker, na-accept yung role na ibinigay ng mga coaches na nagampanan niya ng maayos,” sabi ni Varga.

Naitarak ng La Salle ang 21-17, 21-17 panalo laban sa University of the Philippines upang makamit ang to bronze medal.

Ito ang pinakamagandang pagtatapos ng Green Spikers sa event, kung saan naiuwi ni Noel Kampton ang Rookie of the Year honors.