Calendar

Tigilan na ang paninirang puri, mag-focus sa plataporma, apela ni Pacquiao sa mga katunggali
PASAY CITY, MANILA – NANANAWAGAN ang isa sa mga Senatorial candidate ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas (APBP) at tinaguriang “Pambansang Kamao” na si Manny “Pacman” Pacquiao sa mga katunggali nilang kandidato na tigilan na ang paninirang puri at sa halip ay mag-focus na lamang sila sa paglalatag ng kanilang plataporma at programa.
Ipinaliwanag ng dating Senador na dapat itigil na ng kanilang mga kapwa kandidato partikular na ang mga nasa panig ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga paninirang puri sa kanilang mga katunggali sapagkat wala naman dahilan upang sila ay mag-away away.
Pagdidiin ni Pacquiao na hindi dapat binabatikos at inaatake ng mga kaalyado ng dating Pangulong Duterte ang kanilang mga karibal sa Senatorial position dahil hindi makatuwiran para sila ay maglaban-laban at magbatuhan ng putik sa harap ng mamamayan.
Dahil dito, sinabi ni Pacquiao na sa halip na atupagin ng kanilang mga katunggali ang paninirang puri laban sa kanila. Mas makahalaga aniya na ilatag na lamang nila ang kanilang mga plataporma at programa dahil ito naman talaga ang titignan at pagbabatayan ng mamamayang Pilipino sa pagpili ng tama at kuwalipikadong kandidato.
“Ako, ang panawagan ko sa lahat ng aming mga kapwa kandidato na tigilan na nila ang paninira. Huwag tayong mag-atake ng ibang tumatakbo dahil hindi naman sila ang kalaban natin. Wala tayong kalaban dito kundi demokrasya tayo at ang pipiliin ng taongbayan ay yung kandidato na may magandang plataporma,” wika ni Pacquiao.
Binigyang diin ng dating eight-division world boxing champion na hindi dapat pine-personal ng kanilang mga kalaban ang mga patutsada laban sa kanila. Maliban na lamang aniya kung talagang hindi sila sinsero sa kanilang kandidatura o mayroon umano silang “vested interest”.
“Hindi natin kalaban ang mga tumatakbo unless may vested interest ka na magnakaw ka sa gobyerno magagalit ka duon sa ibang tao o ibang mga kumakandidato kasi may vsted interest ka sa sarili mo. Gusto mong magpayaman eh, pero kung malinis naman ang hangarin mo. Walang dahil para ikaw ay bumanat sa iyong mga kalaban,” sabi pa ni Pacquiao.
Kasabay nito, inaasahan ng buong Senatorial slate ng APBP ang suporta ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang masungkit nila ang inaasam na 12-0 victory sa Metro Manila para sa darating na May mid-term elections matapos nilang dayuhin ang Pasay City.
Ayon kay Pacquiao, ang suporta ni Pangulong Marcos, Jr. ay isang “decisive factor” upang makuha ng APBP Senatorial candidate ang buong suporta o ma-domina nila ang National Capitol Region (NCR) pagdating ng botohan sa Mayo kung saan mayroon itong 7.32 registered voters.
“Kumpiyansa kami sa grupo ng Alyansa na ma-12-0 namin dito sa Metro Manila dahil unang-una suportado kami ng Pangulo at ang programa ng Alyansa ay para talaga sa mga mahihirap na sambayanang Pilipino at magkakaroon tayo ng trabaho at hanap-buhay ang bawat pamilya,” ayon kay Pacquiao.