Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

Tinanggalan ng boses ang mga OFWs sa Kamara — Magsino

Mar Rodriguez May 21, 2025
20 Views

TINANGGALAN ng tinig ang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kamara de Representantes sa pagpasok ng 20th Congress.

Ito ang ipinahayag ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na matapos itong hindi makapaniwala sa naging resulta umano ng katatapos pa lamang na mid-term elections kung saan hindi napabilang ang kanilang grupo sa mga prinoklamang nanalong Party List.

Dahil dito, binigyang diin ni Magsino na ilalaban nila sa Korte Suprema ang kanilang kaso upang masusing dinggin ng mga Mahistrado ang baging batayan para sa hatian ng puwesto ng mga Party List.

Sabi ng kongresista na hindi nila hahayaan na mawalan na lamang ng tinig ang mga OFWs kabilang na ang mga Filipino seafarers sa Kamara de Representantes.

“Lalaban kami hanggang sa Korte Suprema. Hindi namin hahayaan na mawalan ng boses ang mga OFWs at seafarers sa Kongreso. Umaasa kami na mabibigyan kami ng hustisya,” wika ni Magsino.

Kasabay nito, mariing tinutulan naman ng mga OFW groups at maritime communities ang nangyaring desisyon kasunod nito ang pagpapahayag ng kanilang suporta para sa OFW Party List.

“Sobrang lungkot ng aming komunidad. Kami na ngang nagpapasok ng remittances sa ating bansa kami pa ang walang representasyon sa Kongreso. Talagang nalulungkot at naiiyak kami sa nangyari, subalit kami ay susuporta sa OFW Party List,” sabi ng isang Pinoy seafarer.

Naninindigan naman si Magsino na ipagpapatuloy nito ang kaniyang adbokasiya para isulong ang kapakanan ng mga OFWs hindi man nakapasok sa Kongreso ang kanilang grupo.