Tindera

Tindera ng gulay aatrasan, nakaladkad ng bus, utas

205 Views

UTAS ang 53-anyos na tindera ng gulay nang maatrasan at makaladkad ng bus sa Brgy. Commonwealth, Quezon City noong Linggo.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 5 Chief, P/Capt Joey Salvadico, bandang alas-12:40 ng tanghali naganap ang aksidente sa kanto ng Commonwealth Eastbound at Katipunan St., sa harap ng Commonwealth Elementary School.

Binabaybay ng pampasaherong bus na minamaneho ni Eduardo Canlas Cerantes Jr., 50, ang Commonwealth Avenue, mula sa Elliptical Road patungo sa Fairview.

Pero pagsapit sa lugar, nawalan daw ng preno ang bus kaya umatras at inararo ang mga nakaparadang sasakyan at stalls sa bangketa.

Doon ay nakaladkad ng bus ang vendor at huminto lamang ang sasakyan ng bumangga sa poste.

Ayon sa otoridad, umabot ng 20 minuto bago maalis ang biktima na naipit sa bus saka isinugod sa East Avenue Medical Center ngunit binawian din ito ng buhay bandang alas-6:05 ng gabi, ayon kay Dr. Maria Concepcion Fernandez.

Nakapiit na ang bus driver sa QCPD Traffic Sector 5 habang inihahanda ang kasong reckless imprudence resulting to homicide and multiple damage to properties.