Tingog

TINGOG nagtala ng mahahalagang tagumpay sa 1st regular session: 349 bills nihain, 33 naaprubahan sa 3rd pagbasa, a3 batas pinagtibay

36 Views

NAGTAPOS ang Unang Regular na Sesyon ng Ika-20 Kongreso na may naitalang 349 panukalang batas na inihain ng TINGOG Party-list, 33 panukalang naaprubahan sa ikatlong pagbasa, dalawang ulat ng bicameral conference committee na niratipikahan ng Kamara, at tatlong panukala na ganap nang naisabatas.

Ayon sa TINGOG, ang mga tagumpay na ito ay patunay ng kanilang patuloy na pangakong makinig, maglingkod, at magsulong ng mga repormang tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino at ng mga komunidad.

Ayon sa TINGOG, naisakatuparan ang mga ito sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na gawain ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, at ng liderato ng Kamara, na nagpanatili ng pagkakaisa, disiplina, at sigla sa pagsusulong ng lehislatibong adyenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para sa TINGOG, ang rekord ng sesyong ito ay hindi lamang listahan ng mga panukalang batas na naipasa o naihain, kundi sukatan ng kung paano naisasalin ang serbisyong publiko tungo sa konkretong polisiya—sa pamamagitan ng pakikinig sa mga hinaing ng mamamayan, pagdadala ng mga ito sa Kongreso, at pakikipagtulungan sa mga lider ng Kamara at kapwa mambabatas upang maisakatuparan ang mga kinakailangang reporma.

Tatlong panukalang isinulong ng TINGOG ang naging ganap nang batas matapos lagdaan ni Pangulong Marcos:

Republic Act No. 12063 – Enterprise-Based Education and Training (EBET) Framework Act
Republic Act No. 12315 – Batas na nagpapalawig sa termino ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) at nag-aamyenda sa Republic Act No. 11899
Republic Act No. 12316 – Batas na nagbibigay kapangyarihan sa Pangulo na pansamantalang suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Seksyon 148 ng National Internal Revenue Code of 1997

Ayon kay TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez, ipinakikita ng mga batas na ito ang kahalagahan ng nakatuon, makatao, at magkakaugnay na gawaing lehislatibo upang matugunan ang tunay na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.

“Ang puso ng gawain ng TINGOG ay serbisyong nagsisimula sa pakikinig. Ang bawat panukalang batas na aming inihahain, bawat hakbang na aming sinusuportahan, at bawat repormang aming itinataguyod ay dapat tumugon sa tunay na pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino. Ang mga tagumpay na ito ay hindi lamang mga tagumpay sa lehislatura kundi mga pangako ng mas matibay na suporta, mas malakas na proteksiyon, at mas makataong pamahalaan para sa mga taong aming pinaglilingkuran,” ani Romualdez.

Naging pangunahing may-akda at tagapagtaguyod din ang TINGOG ng 12 prayoridad na panukalang batas ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na naaprubahan sa ikatlong pagbasa:

HB No. 4744 – Private Basic Education Vouchers Assistance Act
HB No. 4745 – Last Mile Schools Act
HB No. 6636 – Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act
HB No. 6683 – Waste Treatment Technology Act
HB No. 6707 – Batas para sa Mas Transparent na Pamamahala at mga Mekanismo Laban sa Korupsiyon sa Operasyon ng mga Bangko
HB No. 6739 – Geriatric Health Act
HB No. 6762 – Blue Economy Act
HB No. 6789 – National Water Resources Management Act
HB No. 8464 – Travel Tax Abolition Act of 2026
HB No. 8466 – National Land Use Act
HB No. 8476 – Pagpapalawak ng Saklaw ng Tertiary Education Subsidy
HB No. 8477 – Presidential Merit Scholarship Act

Ayon naman kay TINGOG Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez, “Ang TINGOG ay laging nakatuon sa pagdadala ng tinig ng mamamayan sa gawain ng pamahalaan. Ang pagsuporta sa adyenda ng LEDAC ay bahagi ng misyong ito—ang maisulong ang mga prayoridad na reporma na tumutugon sa tunay na pangangailangan, nagpapahusay sa serbisyong publiko, at lumilikha ng mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang Pilipino. Kailangang may maihatid na resulta ang pamahalaan. At para sa amin sa TINGOG, ang bawat panukalang batas ay dapat bumalik sa kapakinabangan ng mga komunidad na aming pinaglilingkuran.”

Naging pangunahing bahagi rin ng gawaing lehislatibo ng TINGOG ang sektor ng edukasyon sa unang regular na sesyon, kung saan dalawang prayoridad na reporma sa edukasyon ang umusad lampas sa ikatlong pagbasa at pumasok sa huling yugto ng proseso ng batas.

Niratipikahan ng Kamara ang ulat ng bicameral conference committee para sa House Bill No. 4745 o ang panukalang Last Mile Schools Act, na naglalayong mapabuti ang kalidad at akses sa edukasyon sa mga liblib, mahihirap, at apektado ng kaguluhang lugar. Itinatakda ng panukala ang kahulugan ng “Last Mile Schools” at inaatasan ang pamahalaan na mamuhunan sa mga pasilidad ng paaralan, mga daan patungo rito, at mga programang angkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.

Niratipikahan din ng Kamara ang ulat ng bicameral conference committee para sa House Bill No. 8476, na nag-aamyenda sa Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Layunin nitong palawakin ang saklaw ng Tertiary Education Subsidy upang mas maraming Pilipinong mag-aaral, lalo na ang may pinansyal at panlipunang hamon, ang makapagpatuloy at makapagtapos ng kolehiyo.

Bukod dito, sa ilalim ng pamumuno ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre bilang tagapangulo ng House Committee on Higher and Technical Education, ilang panukala rin ang naaprubahan sa ikatlong pagbasa upang palakasin ang mga state university, lokal na institusyon ng mataas na edukasyon, at akses sa teknikal na edukasyon sa mga rehiyon.

Ang mga ito ay:

HB No. 6428 – Pagsasama ng mga regular na kampus ng Capiz State University sa charter nito
HB No. 7830 – Charter ng Tarlac Science, Technology, and Agricultural University
HB No. 8496 – Pagpapalit ng pangalan ng Tawi-Tawi Regional Agricultural College bilang Tawi-Tawi State College at pagpapalawak ng mga kurso nito
HB No. 8577 – Northern Samar Polytechnic Institute (NSPI) Act
HB No. 8578 – Motiong Polytechnic Institute Act
HB No. 8579 – Cagayan de Oro Polytechnic Institute Act
HB No. 8580 – Northern Mindanao Polytechnic Institute Act
HB No. 8581 – Polangui Polytechnic Institute Act
HB No. 8582 – Zamboanga del Norte Polytechnic Institute of Fisheries Act
HB No. 8583 – Agusan del Sur Polytechnic Institute (ADSPI) Act
HB No. 8584 – Sorsogon Polytechnic Institute Act

Ayon kay Acidre, ang mga panukalang ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap upang gawing higit na tumutugon ang pamahalaan sa tunay na kalagayan ng mga mag-aaral, pamilya, manggagawa, at komunidad.

“Ang malasakit na pamamahala ay nangangahulugan ng pagtiyak na ang mga batas ay hindi nalalayo sa buhay ng ating mga mamamayan. Ang mabuting lehislasyon ay dapat makatulong upang manatili sa paaralan ang isang mag-aaral, makapagbigay-suporta sa isang pamilyang dumaranas ng krisis, makalikha ng mga bagong oportunidad para sa mga manggagawa, at makatulong sa mga komunidad na bumuo ng mas magandang kinabukasan. Para sa TINGOG, ang paggawa ng batas ay isang paraan ng pagsasabi sa ating mga kababayan: naririnig namin kayo, kasama ninyo kami, at patuloy kaming magsisilbi,” ani Acidre.

Ang iba pang mga panukalang inakda o isinulong ng TINGOG na naaprubahan rin sa ikatlong pagbasa sa unang regular na sesyon ay ang mga sumusunod:

House Bill No. 5019 — Pagpapahintulot sa paghirang ng mga guro, mananaliksik, at administrador na may dobleng pagkamamamayan sa mga pampublikong institusyon ng mataas na edukasyon, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Seksyon 5 (3) ng Republic Act No. 9225.
House Bill No. 5663 — Pagpapalit ng pangalan ng University of Science and Technology of Southern Philippines upang maging University of Science and Technology of the Philippines, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 10919.
House Bill No. 6278 — Paglikha ng on-site, in-city, near-city, o off-city na programang relokasyon ng lokal na pamahalaan para sa mga pamilyang impormal na naninirahan (informal settler families), alinsunod sa People’s Plan, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 7279 o Urban Development and Housing Act of 1992.
House Bill No. 6643 — Bagong Balikbayan Act.
House Bill No. 7628 — Personal Financial Literacy Course in the Tertiary Education Curriculum Act.
House Bill No. 7629 — Pag-convert sa Palompon Institute of Technology sa bayan ng Palompon, Leyte bilang isang state university na tatawaging Palompon Polytechnic State University, at pagsasama rito ng Marcelino R. Veloso National Polytechnic College sa bayan ng Tabango, Leyte.
House Bill No. 7808 — Study of Philippine History During World War II Act.
House Bill No. 9358 — Pagpapalakas sa Department of Education sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 9155 o Governance of Basic Education Act of 2001.
House Bill No. 9464 — Eastern Samar State University–Arteche and Balangiga Campuses Act.
House Bill No. 9466 — Pagpapalawak at pagpapahusay sa National Feeding Program upang maging isang National Nutrition Program, kabilang ang pagpapalawak ng saklaw nito at pagpapalakas ng mga mekanismo ng suporta, at paglalaan ng pondo para rito, sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Republic Act No. 11037 o Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act.

Sinabi ni Acidre na ang mga nagawa sa unang regular na sesyon ay sumasalamin sa pangunahing mandato ng TINGOG: ang dalhin ang tinig ng mga komunidad sa Kongreso at tiyaking ang mga batas ay nananatiling nakaugnay sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng mamamayan.

“Ang trabaho ng TINGOG ay makinig at magsilbi. Bawat panukalang naisusulong natin ay dapat may malinaw na pakinabang sa taumbayan: mas maayos na edukasyon, mas matibay na proteksiyon, at mas maraming oportunidad para sa mga pamilyang Pilipino,” ani Acidre.

Ayon sa mga mambabatas ng TINGOG, ipagpapatuloy nila ang pakikipagtulungan nang may pagkakaisa sa mga lider ng Kamara, mga pambansang ahensiya, lokal na pamahalaan, at mga komunidad upang suportahan ang pagpasa at pagpapatupad ng mga repormang magpapalakas sa serbisyong publiko at titiyak na walang Pilipinong maiiwan sa pag-unlad.