Bantay

Bantay Senado nananawagan sa Senado bilang Impeachment Court na buksan sa media, publiko ang pre-trial conference

38 Views

NANAWAGAN ang Bantay Senado, ang citizen-monitoring network para sa impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte, sa Senado bilang Impeachment Court na buksan sa media at publiko ang pre-trial conference sa Hunyo 18. Ayon sa grupo, ang pagiging bukas at malinaw ng mga pagdinig sa impeachment ay isang obligasyong itinakda ng Konstitusyon at hindi lamang isang opsiyong pang-proseso.

Ipinaalam ng Senado bilang Impeachment Court sa mga partido na ang pre-trial conference sa Hunyo 18 ay “hindi bukas sa media o publiko,” dahil nais nitong mabigyan ang mga panig ng “pinakamalawak na kalayaan at pagkakataon” sa pagdinig. Gayunman, mariing hinihikayat ng Bantay Senado ang hukuman na muling pag-isipan ang pasyang ito.

Ang pre-trial conference ang yugto kung saan itinatakda ang mga pangunahing tuntunin ng paglilitis, pormal na minamarkahan ang mga ebidensiya, at tinutukoy ang mga testigo. Hindi lamang ito simpleng administratibo o pormalidad. Para sa Bantay Senado, ang mga desisyong ginagawa sa yugtong ito ay may malaking epekto sa kabuuang direksiyon at katangian ng paglilitis. Dahil dito, may karapatan ang mamamayang Pilipino na makita kung paano ginagawa ang mga pasyang ito.

“Ang impeachment trial ng isang nakaupong Bise Presidente ay hindi isang pribadong usaping legal sa pagitan ng dalawang panig. Isa itong prosesong konstitusyonal na isinasagawa sa ngalan ng sambayanang Pilipino. Ang bawat yugto ng prosesong ito—kabilang ang pre-trial—ay dapat isagawa nang may ganap na transparency. Ang publiko ay hindi opsiyonal na kalahok lamang sa mga pagdinig,” ayon kay Prof. Cleve V. Arguelles, Convenor at Tagapagsalita ng Bantay Senado.

Nilinaw ng Bantay Senado na wala itong kinikilingang panig sa kaso laban kay Bise Presidente Duterte at hindi ito pumapanig sa prosekusyon o depensa. Gayunpaman, napansin ng grupo na may ilang miyembro ng prosekusyon na nagpahayag ng kagustuhang gawing bukas at pampubliko ang pre-trial conference. Buo nilang sinusuportahan ang posisyong ito.

Binigyang-diin din ng Bantay Senado ang mas malawak na kahalagahan ng usapin para sa demokrasya. Sa isang prosesong konstitusyonal na may ganitong kalaking implikasyon, ang akses ng publiko ay hindi isang pribilehiyong maaaring ibigay o ipagkait ng hukuman ayon sa kagustuhan nito. Ito ay isang mahalagang kundisyon upang mapanatili ang kredibilidad at pagiging lehitimo ng buong impeachment trial.

“Ang mga impeachment trial at ang mga impormasyong inilalantad nito ay malinaw na mga usaping may pampublikong interes. May karapatan ang publiko sa impormasyong ito bilang bahagi ng mga bagay na mahalaga sa sambayanan, lalo na’t itinataguyod ng estado ang ganap na pagbubunyag ng mga impormasyon para sa publiko. Ang pagsasara ng pre-trial sa publiko at media nang walang matibay na batayang konstitusyonal ay maaaring magdulot ng seryosong mga tanong hinggil sa pangako ng hukuman sa due process at bukas na katarungan. Ang transparency sa yugto ng pre-trial ay hindi hadlang sa makatarungang pagdinig,” ayon kay Atty. Michael Tiu Jr., legal expert na katuwang ng Bantay Senado at Assistant Professor ng University of the Philippines College of Law.

Inihahayag ng Bantay Senado ang kanilang pangamba bilang isang citizen-monitoring body na may mandatong tiyakin na ang buong proseso—mula pre-trial hanggang sa hatol—ay isinasagawa nang bukas, patas, at alinsunod sa Konstitusyon. Nananawagan sila sa Senado bilang Impeachment Court na agad maglabas ng binagong abiso upang buksan sa media at publiko ang pre-trial conference sa Hunyo 18.