Tingog

Tingog Party-list binuksan bagong centers, inilarga AKAP payout, Kalusugan Karavans

Mar Rodriguez Dec 2, 2024
104 Views

BINUKSAN ng Tingog Party-list, katuwang ang tanggapan ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang mga bago nitong center sa Nueva Ecija kasabay ng pamamahagi ng financial assistance at paglulungsad ng Kalusugan Karavans sa Tarlac at sa Taytay, Rizal noong Nobyembre 30.

Katuwang si Nueva Ecija 4th District Rep. Emeng Pascual, binuksan ng Tingog, na pinamumunuan nina Reps. Yedda Romualdez at Jude Acidre, ang Tingog Center sa Gapan upang mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga residente sa lugar.

Sinabayan ito ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) payout sa Congressman Emerson Pascual Convention Center at Gapan City Gym. Tig-333 benepisyaryo ang binigyan ng cash assistance sa dalawang payout center.

Sa pagbubukas ng Gapan Tingog Center ay umakyat na sa 157 ang kabuuang bilang nito sa buong bansa.

Katuwang si Board Member Jojo Matias, binuksan naman ng Tingog Party-list ang Cabanatuan Tingog Center. Nagsagawa rin ng AKAP payout sa Honorato Perez Sr. Memorial High School kung saan 333 benepisyaryo ang binigyan ng tulong pinansyal.

Sa Quezon City, inorganisa naman ng Tingog Party-list ang AKAP payout sa Quezon City High School sa tulong ni Councilor Nanette Castelo-Daza kung saan 2,000 ang benepisyaryo.

Nagsagawa rin ng AKAP payout sa Amoranto Sports Complex sa tulong ni Quezon City 4th District Rep. Marvin Rillo. Kabuuang 2,000 ang inabutan ng tulong pinansyal dito.

Kalusugan Karavan naman ang isinagawa sa Tarlac at Taytay, Rizal, para matulungan ang mga residente na nangangailangan ng pangunahing tulong medikal.

“Ang araw ni Gat. Andres Bonifacio ay isang paalala sa amin, bilang mga lingkod-bayan, ng tunay na dahilan ng aming paglilingkod,” ani Acidre.

“Sa bawat ngiti at pasasalamat ng mga kababayang nabigyan natin ng tulong at ayuda sa pamamagitan ng mga programa tulad ng AKAP, lalong tumitibay ang aming hangarin—na walang Pilipino ang maiiwan sa pag-asenso.

Ang tapang at malasakit ni Bonifacio ang patuloy na nagbibigay inspirasyon sa akin at sa Tingog Party-list na maglingkod nang tapat, magtrabaho nang mas mabuti, at maging kaagapay ng bawat Pilipino sa kanilang mga pangarap, para sa mas maliwanag at magandang bukas,” dagdag pa ni Acidre.