Calendar
Deputy Minority Leader Rep. Antonio Tinio
Tinio: VP Duterte di makakapaghugas-kamay sa budget request
HINDI umano maaaring “maghugas ng kamay” si Vice President Sara Duterte sa usapin ng umano’y pag-request ng P1 bilyon sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH), matapos lumabas ang tinaguriang “DPWH leaks” na nag-uugnay umano sa kanya, kay Davao City Rep. Paolo Duterte, sa dating presidential spokesperson na si Harry Roque at sa iba pang matataas na opisyal sa mga alokasyon noong panahon ng Duterte administration.
Ito ang iginiit ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, kasunod ng paglabas ng mga detalye ng mga proponent at sponsor ng mga proyektong isinasama sa budget proposal ng DPWH.
“Sa wakas, may lumabas na ring impormasyon mula sa DPWH tungkol sa mga alokasyon at singit sa budget sa panahon ng Duterte administration,” ani Tinio.
“Hindi puwedeng magmalinis si Vice President Sara Duterte dahil meron din siyang maraming singit na proyekto sa DPWH bilang mayor ng Davao na dapat ding imbestigahan,” wika pa niya.
Iniulat ng Bilyonaryo News Channel (BNC) na may 16 line items na sinasabing nagkakahalaga ng kabuuang P1 bilyon ang mga proyektong hiniling umano ni Vice President Duterte na maisama sa 2020 badyet ng DPWH noong siya ay mayor pa ng Davao City.
Ayon kay Tinio, hiwalay pa ito sa P51 bilyong alokasyon na umano’y napunta kay Davao City Rep. Duterte, na una umanong kinumpirma ng yumaong DPWH Undersecretary Cathy Cabral.
“Labas pa ito sa P51 bilyon na napunta kay Pulong na unang kinumpirma ng yumaong Usec. Cabral,” aniya.
Binanggit din ng mambabatas na hindi umano nakapagtataka kung bakit, ayon sa kanya, ay nakapag-request ng malaking halaga ng mga proyekto ang ilang miyembro ng pamilya Duterte at mga opisyal ng Malacañang noong panahong sila ang nasa kapangyarihan.
Nanawagan ang mambabatas ng isang komprehensibo at patas na imbestigasyon upang matukoy ang pananagutan ng mga sangkot at matiyak na may mananagot sa umano’y mga anomalya sa pondo ng bayan.
Base sa ulat BNC, ang impormasyon ay nanggaling sa umano’y tinaguriang “DPWH leaks,” o mga dokumentong nakuha ng BNC na naglalaman ng listahan ng mga proponent o sponsor ng mga proyektong isinasama sa budget proposal ng ahensiya.
Sa pananaliksik ng BNC, nasa 2020 badyet ang lahat ng sinasabing 16 requested projects umano ni VP Duterte.
Kabilang dito, base sa ulat, ang dalawang nakapangalan umano kay dating Mayor Sara Z. Duterte/RD Allan Borromeo ng Region XI.
Nabatid sa ulat na road projects ang lahat ng line items kung saan 15 ang nasa Davao City at isa naman sa Davao del Sur.
Iniulat rin ng BNC na mayroon din umanong 16 line item projects kay Davao City Rep. Duterte na sinasabing nagkakahalaga ng mahigit P764 milyon, kung saan 14 ang pumasok umano sa badyet.
Nalaman din sa ulat na dalawa sa apat na proyekto na nasa pangalan ni Roque at nagkakahalaga ng tig-P2 milyon bawat isa ang nasa badyet.
Sinabi sa ulat na ang apat na requested items ay matatagpuan sa Ifugao, Batangas, Cavite at Laguna.
Wala pang tugon ang mga Duterte at si Roque sa isyu.

