Adiong

Tiwala ng tao ‘apektado’ sa Zoom impeachment

45 Views

NAGBABALA si House trial spokesperson Zia Alonto Adiong laban sa ‘Zoom impeachment,’ binanggit ang pagkawala sa kalidad ng pagkatuto noong pandemya

Kinuwestiyon nitong Huwebes ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ang mga panukalang pahintulutan ang mga senador na lumahok at bumoto nang malayuan sa mga pagdinig ng Senado, at nagbabala na maaaring pahinain ng isang “Zoom impeachment” ang pananagutan at tiwala ng publiko sa prosesong itinakda ng Konstitusyon.

Sa isang panayam sa ANC, inihalintulad ni Alonto Adiong ang malayuang paglahok ng mga senador sa nalalapit na impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa mga pagkawala sa kalidad ng pagkatuto na naranasan noong panahon ng online classes sa pandemya.

Sinabi ni Alonto Adiong, na kabilang sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), na nakita na ng bansa ang negatibong epekto ng remote participation noong pandemya.

“Nung ina-allow po ‘yung Zoom classes, medyo bumaba po ‘yung kalidad ng ating mga estudyante,” ani ng lider ng Kamara mula sa Lanao del Sur.

“That’s why ito po ‘yung mga ginagawa na panukala ng EDCOM 2 na ma-address itong problema na epekto ng pandemic dahil sa mga remote participation, remote classes via Zoom,” dagdag pa ni Alonto Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Aniya, mas lalong mahalaga ang mga ganitong usapin sa isang impeachment trial, kung saan inaasahang personal na makikinig ang mga senator-judges sa mga testimonya, susuri sa ebidensiya, at magpapasya ukol sa pananagutan alinsunod sa Konstitusyon.

“Imagine in the Senate, imagine in the impeachment court. Ang pinag-uusapan po dito Constitution. No matter how high you have obtained in terms of the positions that you were elected to, ay hindi nangangahulugan na hindi ka aabutin ng accountability mechanism ng ating Constitution,” aniya.

Binigyang-diin ni Alonto Adiong na mahalaga ang pisikal na presensya ng mga senator-judges sa mga impeachment proceedings.

“In a trial court, kasi ‘pag nandun po ‘yung testigo dyan sa witness stand, the judge also examines and observes the mannerism — ‘yung kanyang pananalita ‘pag kino-cross-examine ito,” sabi ni Alonto Adiong.

“Importante din po ‘yung kanyang kabuuan na disposition during the cross-examination or pag-presentation ng mga evidence,” dagdag niya.

Dumating ang pahayag matapos umigting ang tensyon sa Senado kaugnay ng panukalang amyendahan ang mga patakaran ng kapulungan upang pahintulutan ang mga senador na lumahok sa mga sesyon nang malayuan para sa “justifiable reasons,” lampas sa kasalukuyang limitasyon na force majeure o pambansang emerhensiya lamang.

Nagbunsod ang isyu ng mainit na debate at walkout ng mga minority senator, na inakusahan ang majority bloc na minamadali ang pagpapatibay ng panukalang amyenda bago ang impeachment trial ni Duterte.