Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Beatrix” Luistro Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Beatrix” Luistro

Tiwaling opisyal, sindikato ng droga sangkot sa pangangamkam ng lupa— Quad Comm

10 Views

IBINUNYAG sa House Quad Committee ang sabwatan umano ng mga tiwaling opisyal at sindikato na nagbebenta ng iligal na droga sa iligal na pamimili ng lupa ng mga Chinese nationals sa bansa.

Nasa sentro ng kontrobersya ang isang kumpanya na pag-aari ng mga Chinese nationals na diumano’y ginamit ang kanilang koneksyon sa mga lokal na opisyal upang mabili ang malalaking lupain at palawakin ang kanilang mga ilegal na gawain.

Ang kumpanya ang may-ari ng warehouse sa Mexico, Pampanga, kung saan nasamsam sa raid ang mga awtoridad ang ₱3.6-bilyong kargamento ng shabu noong 2023, na nagpatibay sa ugnayan ng kumpanya sa mga drug syndicates.

Sa ika-12 pagdinig ng komite noong Miyerkules, inilatag ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Beatrix” Luistro ang malakas na ebidensya laban sa sinibak na alkalde ng Mexico, Pampanga, na inakusahan tumulong sa ilegal na pagkamkam ng kumpanya ng siyam na titulo ng lupa simula noong 2016.

Sa kanyang pambungad na pahayag, binanggit ni Quad Comm lead chair Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang mas malalim na epekto ng korapsyon na ito, na banta sa seguridad ng bansa

“We have also seen how the money flow from this drug trade is being used to acquire landholdings, influence, and corrupt government officials and employees who conspire with the drug traders in offering protection and fake identities, that undermine the security of our country,” ayon kay Barbers.

Ang isang kargamento ng shabu na natagpuan sa kanilang warehouse noong Setyembre 24, 2023, ay nagdulot ng pagdududa na ang kita mula sa drug trafficking ay ginamit sa real estate at iba pang negosyo.

Pinuna rin ni Luistro ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) dahil sa umano’y kakulangan nito ng aksyon sa pagtugon sa mga paglabag na konektado sa nasabing kumpanya.

Binanggit niya na ang kompanya ay nagpakilala bilang Filipino corporation upang makuha ang mga ari-arian na dapat ay para lamang sa mga Filipino, na posibleng paglabag sa Securities Regulation Code (SRC), Philippine Corporation Code, at RA 9160.

Pinuna ni Luistro ang pag-aatubili ng AMLC na ganap na ipatupad ang kanilang mandato. “I do not understand why AMLC, instead of finding ways to use this beautiful and responsive law, is rejecting the possibility of using it to secure the assets of these persons of interest,” saad nito.

Sinegundahan nito ni Barbers at hinikayat ang AMLC na palakasin ang kanilang pakikipagtulungan sa komite.

Tiniyak ng kinatawan ng AMLC sa mga mambabatas na magbibigay sila ng karagdagang impormasyon sa isang private session sa lumalalim na imbestigasyon.

Ang Quad Comm ay nagsasagawa ng imbestigasyon ukol sa mga koneksyon ng iligal na droga, Philippine Offshore Gaming Operators, pangangamkam ng lupa ng ilang Chinese nationals, at ang mga extrajudicial killings na iniuugnay sa marahas na war on drugs ng administrasyon ni Duterte.