MMDA

Tiwaling traffic enforcers iimbestigahan ng Kamara

251 Views

IIMBESTIGAHAN ng isang Komite sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang napapabalitang umiiral na katiwalian sa hanay ng mga traffic enforcers sa Kalakhang Maynila.

Ito ay matapos maghain ng isang House Resolution ang ilang kongresista para siyasatin ng House Committee on Metro Manila Development ang nasabing kontrobersiya.

Tinalakay kamakailan ng naturang Komite, na pinamumunuan ni Manila Rep. Manuel Luis Lopez, ang HR No. 2363 na nanawagan ng isang malalim na pagsisiyasat hinggil sa umano’y pang-aabuso na kinasasangkutan ng ilang traffic enforcers.

Kabilang din dito ang pagkakaroon ng imbestigasyon sa mga katiwaliang umiiral sa pagpapatupad ng trapiko sa Metro Manila na maaaring makasira sa kredibilidad ng Metro Manila Development Authority (MMDA).

Layunin din ng nasabing House Resolution na matukoy kung ang mga batas at tuntunin ay maituturing na epektibo kaugnay sa pagbabawas ng mga insidente ng katiwalian, pang-aabuso at pangliligalig sa pagitan ng mga traffic enforcers at mga motorista.

Ang HR No. 2363 ay isinulong Party List Reps. Enrico Pineda ng 1-PACMAN, Virgilio Lacson ng Manila Teachers, Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay, Northern Samar Rep. Paul Daza at Isabela Rep. Faustino Michael Carlos Dy III.

Nakasaad sa inihain nilang resolusyon na ang insidente ng katiwalian at pang-aabuso ay lumaganap na sa hanay ng mga traffic enforcers sa nakalipas na dekada partikular na sa Metro Manila.

Hinihikayat din ng resolusyon ang pagrepaso ng Land Transportation Office (LTO) at Local Government Unit’s (LGU’s) sa proseso ng “deputasyon” para sa mga indibiduwal na nagnanais maging traffic enforcer o pagpapatupad sa batas trapiko.

“While it is true that there are abusive motorists as well as, this does not excuse abusive acts in the enforcement of traffic laws. More so acts of involving corruption,” ayon kay Lopez.

Ipinahayag naman ni LTO Law Enforcement Service Deputy Director Roberto Valera ang kanilang pagsuporta sa nasabing resolusyon at ang isasagawang imbestigasyon ng Kongreso ay mahalaga para sa kanilang ahensiya.

Ni MAR RODRIGUEZ